MODERNONG BICOL EXPRESS BIBIGYANG BUHAY NG NILAGDAANG P142-BILYONG PNR PROJECT

BIBIGYANG  buhay ang isang modernong “Bicol Express” ng kalalagdang kontrata para sa P142-bilyon Philippine National Railways (PNR) project na magpapalawak din sa pang-ekonomiyang hangganan ng Bikolandia, lilikha ng maraming trabaho at pagkakataon para sa mga Pilipino, at magpapababa sa presyo ng mga bilihin sa rehiyon.

Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na Chairman ng House Ways and Means Committee, ang 380-kilometrong PNR project ay magiging bahagi ng isang ‘multi-modal, inter-modal transport system – air, land, and sea,’ na binalangkas niya nang chairman siya ng Bicol Bicol Regional Development Council (RDC) sa loob ng siyam na taon bilang gobernador ng Albay hanggang 2016.

“Ang pangarap o pananaw ay ikonekta ang Bicol Region, hindi lamang sa ibang bahagi ng bansa kundi ng buong mundo. Sa ilalim nito, bukod sa pagbiyahe ng mga pasahero, magiging sentro din o ‘transhipment hub’ ng mga pagbiyahe ng kargo ang Albay sa buong Timog Luzon,” paliwanag ni Salceda na siya ring co-chairman ng ‘Economic Stimulus and Recovery Cluster’ ng Kamara.

Nilagdaan nitong nakaraang Enero 17 ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang kontrata sa PNR project na sasaklaw sa bahaging pagitan ng Calamba City at Daraga, Albay at mga kinatawang opisyal ng ‘Joint Venture of China Railway Group Ltd., China Railway No. 3 Engineering Group Co., Ltd., at China Railway Engineering Consulting Group Co., Ltd. (CREC JV).’

“Dahil sa nilagdaang kasunduang ‘design-construction,’ hindi na basta pangarap na lamang ang proyekto kundi isang prayoridad na katotohanan,” dagdag ng mambabatas. Matagal ding isinulong ni Salceda ang mga programang kaugnay sa proyekto kung saan kasama ang 1) ‘air transport’ sa pamamagitan ng BIA; 2) ‘rail transport,’ ang PNR Bicol; 3) ‘road transport’ o ang Quezon-Bicol Expressway or QuBEx at TR-5 Matnog-Allen Bridge; at 4) ‘sea transport’ sa pamamagitan ng Pantao Port sa karatig na bayan ng Libon na gagawing isang Bicol Regional Sea Port.

“Pinakamurang paraan ng pagbiyahe ng kargo ang tren, kaya kung maikokonekta ang biyahe ng PNR sa BIA at mga pantalan sa Bicol, at pati na mga terminal ng bus, sadyang mapapadali ang pagbiyahe ng tao at mga kargamento sa pagitan ng Bicol at saan mang bahagi ng mundo na mahalaga sa ating ‘export industries’ at pagpapababa sa presyo ng mga bilihin gaya ng napansin naming kuneksiyon nito sa mababang ‘inflation,’ dagdag niya.

Paiigsiin ng PNR ang biyahe sa pagitan ng Manila at Albay sa mga apat na oras na lamang mula 12 oras sa bus ngayon. Kasama sa nilagdaang kasunduan ang ‘design, construction, and electro-mechanical works’ sa riles ng train mula Calamba City hanggang Daraga, Albay. Kasama rin dito ang 23 estasyon, 230 mga tulay, 10 daang lusutan sa ilalim ng bundok, at isang 70-ektaryang imbakan at bodega ng mga gamit, ayon sa isang pahayag ng DOTr.

Kapag natapos at napaandar na ang peoyekto, higit na maisusulong ng PNR ang nagosyo at turismo ng Bicol at mapalago ito ng 30%, at makalikha ng mahigit 5,000 kapakipakinabang na trabaho taon-taon.

Bilang paghahanda sa inaasahang mga kaganapang ito, pinasinayaan din kamakailan ang Daraga Integrated Market, Commercial and Transport Complex (IMCT) kung saan magiging bahagi ang PNR station. Mga isang kilometro lang ang layo nito sa BIA at magkakaroon din ng koneksiyon sa mga pantalan ng Legazpi City, Pioduran, Pantao at sa Donsol at Castilla sa Sorsogon, pati na AH 26 (Pan Philippine Highway), sa pamamagitan ng Inter-modal Road System sa rehiyon.