IPINAMALAS sa mga dumalo sa inagurasyon ang modernong mga kayarian ng pasilidad sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig upang mapahusay pa ang learning experience ng mga estudyante.
Kapansin-pansin ang bagong pinturang patsada (façade) at lobby ng gusali na nagsisilbing pangunahing dako upang tanggapin ang mga bumibisita at mag-aaral.
Ibinida rin ang bagong auditoruim na nasangkapan ng pinakabagong teknolohiya sa audiovisual at LED wall para sa mga kaganapang akademya at kultural.
Bagong gawa rin ang gymnasium para makapaglaan ng espasyo sa kalusugan ng katawan ang mga mag-aaral.
Sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na dapat ituring ng mga estudyante at guro na dahil sila ang pangunahing makikinabang, dapat nilang ariin ang unibersidad at panatilihin itong nasa ayos.
“Bilang inyong lokal na pamahalaan, asahan po ninyo kung ano pang pwedeng maitulong at ano pang pwedeng gawin para mapalakas pa ang ating unibersidad at para makatulong sa ating mga mag-aaral, hindi po tayo magdadalawang-isip,” ani Sotto.
Ayon pa sa alkalde, handa ang lokal na pamahalaan sa patuloy na magbibigay-suporta sa PLP para sa de-kalidad na edukasyon sa loob ng modernong gusali.
ELMA MORALES