MODULES, PINAPAPALITAN NG LIBRO

Rodante Marcoleta

PINAPAPALITAN  ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang paggamit ng modules sa ilalim ng blended learning.

Sa budget deliberation ng Department of Education (DepEd), iginiit ni Marcoleta na itigil na ang produksiyon at procurement ng modules dahil sa napakalaking budgetary support na kakailanganin dito ng pamahalaan.

Bukod dito, maraming magulang at mga mag-aaral ang mas gusto na libro sa halip na modules ang gamitin sa blended learing.

Inirekomenda ng kongresista na lumipat na lamang sa paggamit ng libro sa halip na modules dahil hindi lalagpas ng P1 billion ang magiging gastos dito.

Ayon kay Appropriations Vice Chairman Jocelyn Limkaichong, mangangailangan ng P1.1 billion na pondo para sa mga module na gagamitin lamang sa unang quarter ng school year.

Dahil dito, hiniling ni Bohol Rep. Edgar Chatto na dagdagan ng P20 billion ang budget para sa printing ng lahat ng mga quality self-learning materials ng mga estudyante.

Mababatid na unang naungkat din sa pagdinig ng Kamara na pinaghahatian ng mga mag-aaral ang mga modules dahil sa kulang ang naging produksiyon dito.

Bukod dito, mali-mali rin ang ilang mga naka-print na aralin sa modules bukod pa sa naka-stapler lamang ito na madaling masira, mawala at mahiwa-hiwalay ang mga pahina.

Sa ilalim ng 2021 National Expenditure Program (NEP) ay aabot lamang sa P606 billion ang pondo ng DepEd, malayo sa orihinal nitong budget proposal na P1.1 trillion. CONDE BATAC

Comments are closed.