MOJDEH AT BEST SQUAD KUMPIYANSA SA NAT’L OPEN

SA kabila ng kakulangan ng torneo, kumpiyansa ang Behrouz Elite Swimming Team (BEST), sa pangunguna ni National junior record holder at internationalist Micaela Jasmine Mojdeh, na makakamit nila ang pinakamimithing pangarap na makasama sa national team na isasabak sa iba’t ibang torneo sa abroad, kabilang na ang 31st Southeast Asian Games sa Mayo sa Hanoi, Vietnam.

Mabigat ang laban, ngunit kumpiyansa si coach Virgilio De Luna na makatutugon sa hamon ang kanyang mga swimmer na hinubog at pinatibay ng disiplina, pag-aaruga, pagmamahal at sakripisyo.

“Hindi biro ang pinagdaanan nating pandemic. Kaya kahit sa virtual online at text lang nag-uusap kami at ibinibigay ko sa kanila ang mga programa para manatiling kondisyon ang kanilang mga katawan at kaisipan. Malaking tulong siyembre ang suporta ng mga magulang, higit at sa pagkakataong nabigyan kami ng tsansa na makalangoy ay nandiyan para gumabay at tumulong sa lahat ng aspeto at paraan,” pahayag ni De Luna.

Ang lahat ng sakripisyo at paghahanda ay mabibigyan ng puwang sa kaisipan ng mga swimmer sa kanilang pagsabak sa Philippine National Open,  isa sa pinagbabasehan ng Philippine Swimming Inc, (PSI) para sa pagpili ng mga miyembro ng PH Team.

Hindi estranghero sa international competition ang 15-anyos na si Mojdeh, gayundin ang mga kasama niya sa BEST na sina Jordan Ken Lobos, Half-Dutch na si Marcus Johannes DeKam, at John Nell Paderes, bilang mga miyembro ng junior team at kinatawan sa mga kompetisyong pang-eskwelahan. Ngunit ang PH Team ang ‘ultimate goal’ na target nilang makamit.

“Hindi po biro ang National Team. Lahat kami iyan ang pangarap kaya talagang pinaghahandaan. Sa ngayon po, kahit may pandemic, wala namang pressure basta kami sunod lang sa programa ni coach, After ng study, training naman,” sambit ng Grade 11 student ng Brent International-Laguna na si Mojdeh, tinaguriang ‘Water Beast’ sa junior level at ipinapalagay na ‘future ng Philipping swimming’.

“Hopefully po maganda ang ilangoy namin. Hindi naman po kami nagpabaya sa training at kung may pagkakataon pa po, makalaro na po kami sa mga competition,” ayon naman sa 18-anyos na si Lobos, pambato ng Calayan Educational Foundation School sa Lucena City

Kung papalarin, mababatak ang grupo ni Moydeh sa abroad bago ang Open.

Ayon kay Joan Mojdeh, ina ni Jasmine at team manager ng BEST, nakatanggap sila ng imbitasyon mula sa Hamilton Swimming Team para lumahok sa Dubai Invitational sa United Arab Emirates sa Pebrero 12-14. Aniya, ang torneo ay nilalahukan ng mga matitikas na international swimmers, kabilang ang mga Olympian.

“Malaking tournament po itong Dubai Invitational, talagang mapapalaban ang mga swimmers namin. Inaayos na po namin ‘yung mga dokumento, hopefully mas maging maluwag ang alert level para mas madali naming maayos ang mga kailangang papel. Sa vaccines naman po lahat ng mga atleta namin ay full-vaccinated naman po. Malaking gauge po ito para mas makondisyo sila, lalo’t almost two weeks lang at Open na which is set on Feb. 25-27,” sambit ni Mojdeh.

Pawang sumabak at nagwagi ng medalya ang apat sa ginanap na PSI National Bubble nitong Oktubre, kung saan winalis ni Paderes ang tatlong backstroke events, nagwagi ng dalawang gold sa breastroke si Lobos, silver si DeKam at isang gold,  tatlong silver at isang brone kay Jasmine.

Ayon kay De Luna, malaki ang tsansa ng apat na makapagtala ng kompetitibong oras, at ang 19-anyos na si Paderes mula sa UST ay may pinakamalaking tsansa na maabot ang qualifying time ng SEA Games sa backstroke event.

“Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko. Wala naman pong pressure pero kung ibibigay sa akin ang pagkakataon talaga pong pagbubutihin ko,” pahayag ni Paderes.

Iginiit naman ni DeKam na ‘mentally and physically’ ready ang koponan sa kabila ng limitadong oras sa face-to-face training.

“Bawat training namin nagkakaroon ng improvement ang time nila. But, obviously iba ‘yung sa competition. Pero siyempre, ‘yung mind set ng mga bata ‘pag positive asahan natin na iba ang langoy niyan,” ayon kay De Luna.

Bukod sa apat, kabilang din sa BEST na isasabak sa Open ang iba bang junior standouts tulad nina  Julia Basa-Salazar, Yuan Parto, at Julian DeKam. EDWIN ROLLON