WALA mang medalya na naiuwi, hitik sa karanasan at kaalaman ang nakamit ng eight-man Philippine Junior swimming team mula sa matikas na pakikihamok sa katatapos na 8th World Junior Swimming Championship sa Lima, Peru.
Ang tinaguriang ‘Water Beast’ na si Michaela Jasmine Mojdeh ang nakapagtala ng pinaka-impresibong kampanya sa prestihiyosong torneo na nagtampok sa pinakamahuhusay na batang swimmers sa mundo nang magawang makausad sa 16-man semifinals ng girls 100-m butterfly sa tiyempong 1:03.82.
Wala pang opisyal na pahayag ang Philippine Swimming Inc. (PSI), ngunit batay sa pahayag ng isang local online site, ang 15-anyos na si Mojdeh ang ikalawang Pinoy na nakaabot sa semifinals ng World Championship.
Nabigo si Mojdeh na makahirit sa Finals matapos pumuwesto sa ika-13, subalit nagawa niyang mas mapabilis ang oras sa 1:03.43.
“Hindi na po mahalaga ‘yung record. Blessing na po na makaabot si Jasmine sa semifinals. Sa ganito kataas na level ng kompetisyon, super proud kami sa achievement niya,” pahayag ni Joan, ina ni Mojdeh sa itinuturing na protegee ng namayapang Asian Gamnes bronze medalist Susan Papa.
Sa gabay ni Papa, nadomina ni Mojdeh ang junior competition sa bansa at nakalikha ng National record sa mga pagsabak sa international competitions.
Bukod kay Mojdeh, kasama sa koponan ang mga kasangga niya sa Swimming League Philippines – Behrouz Elite Swimming Team (SLP-BEST) na sina Amina Bungubong at magkapatid na Ruben at Heather White, gayundin sina Mishka Sy, Gian Santos, Alexander Eichler at Joshua Ang.
Kasama rin si Mojdeh sa 4×100 freestyle relay kung saan nagawa ng Pinoy na makuha ang ika-10 puwesto sa 13 koponan tangan ang tiyempong 4:08.89, habang sa Mixed Quartet ay hataw ang magkapatid na White kasama sina Bungubung at Santos para sa ika-14 na puwesto sa 24 na lahok sa tiyempong 3:51.04.
Tumapos naman si Eichler sa ika-23 mula sa 36 kalahok sa 200m Butterfly sa oras na 2:07.98; habang si Santos ay nagsumite ng oras na 16:42.57 sa 1500m Freestyle event para sa ika-17 puwesto mula sa 26 kalahok.
Pumuwesto naman sa ika-21 at ika-47, ayon sa pagkakasunod, sina Heather at Bungubong sa tiyempong 27.40 at 28.84, habang kumana si Santos sa ika-29 mula sa 37 kalahok sa Boys 400m Individual Medley sa tiyempong 4:49.80.
Nanguna sa medal tally ang Japan na may 19 medalya, tampok ang pitong ginto at walong pilak.
Sina Nikolett Padar ng Hungary at Kwasery Masiuk ng Poland ang itinanghal na most decorated athletes (female and male) sa napagwagiang lima at apat na gintong medalya, ayon sa pagkakasunod.
EDWIN ROLLON