WALANG mintis sa nilahukang mga event ang mga multi-titled internationalist na sina Jasmine Mojdeh at Vietnam-based Heather White para muling sandigan ang Philippine BEST (Behrouz Elite Swimming Team) sa ikalawang araw ng kompetisyon sa Philippine Swimming Inc.-organized National Age-Group Championships nitong Sabado sa bagong gawang Teofilo Ildefonso Swimming pool sa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Nadomina ng pambato ng Brent International School na si Mojdeh ang tatlong events, habang nanaig ang Filipino-Briton at ABC International School Vietnam student na si White sa dalawang events ng kani-kanilang age-group class para pangunahan ang BEST squads sa natipong 20 gold, 20 silver at 7 bronze medals sa torneo na nagsisilbing National tryouts para sa binubuong National pool at junior team.
Tinaguriang ‘Water Beast’ sa local swimming community, nasustinahan ni Mojdeh ang impresibong tatlong gintong medalya sa unang araw ng laban nitong Biyernes nang pagwagian din ang 50-m Fly sa tiyempong 29.62 segundo, gayundin ang 100-m Breast (1:18.33), at 400-m Individual Medley (5:16.51) sa girls‘ 16-18 class. Nauna niyang nadominahan ang 50-m breast (35.67), 100-m fly (1:04.17) at 200-m Individual Medley (2:29.35).
Hindi rin nagpahuli si White na nangibabaw sa 200-m Free (2:14) at 50-m Fly (28.96) sa girls’ 14-15 class. Nadagdagan niya ang dominasyon sa 200-m IM (2:30.33), 100-m Fly (1:05.62) at 50-m Free (27.49) sa torneo na nilahukan ng mahigit 300 swimmers mula sa iba’t ibang swimming clubs at organizations na sanctioned ng PSI.
“We’re very happy sa performance ng aming mga swimmers, especially kina Jas and Heather. ‘Yung resulta ng mahabang panahong pagsasanay at pagtitiyaga mula sa grassroots level hanggang sa pagiging elite ng BEST at Swimming League Philippines (SLP) talagang nakikita namin ang resulta. Malaking bagay rin ‘yung exposure nila sa tournament abroad,” pahayag ni BEST team manager Joan Mojdeh, patungkol sa pagsabak ni Jasmine sa bigating Melun, France swimfest kamakailan kung saan nakapag-uwi ang 16-anyos ma National junior record holder ng isang gold at isang silver.
Nag-ambag din si Yohan Cabana sa 200-m Back (2:16) ng boys’16-18 class. Nauna niyang nakuha ang gintong medalya sa 100-m back (1:02.67) at 200-m IM (2:19.29) nitong Biyernes, habang sumungkit ng panalo si Marcus De Kam sa 200-m Free sa tiyempong 1:59.51 at silver sa 50-m Fly (26.40) sa boys’ 16-18 class. EDWIN ROLLON