TULOY ang impresibong kampanya ng Mommy Caring (mula sa lahi ng Striding Ahead at On A Mission) sa premyadong local tournament nang angkinin ang 2021 Philracom Lakambini Stakes nitong Linggo bilang bahagi ng Klub Don Juan de Manila Racing Festival sa San Lazaro Business and Leisure Park sa Cavite.
Tinapos ng Mommy Caring, pagmamay-ari ni James Anthony Rabano at alaga sa ensayo ng Esguerra Farms and Stud, ang 1,600-meter na karera sa tiyempong 1:43.2 (24-24-25’-30). Nakopo ng Mommy Caring, sakay si Jockey Lester F. De Jesus at sinanay ni Ramon Nartea, ang premyong P1.2 milyon.
Sumegundo ang La Liga Filipina para sa premyong P400,000, kasunod ang Isla Puting Bato para sa P200,000 at kinumpleto ng All To Easy (P100,000) at O Sole Mio (P60,000) ang Top 5.
“This brings great joy to me and my stables as Mommy Caring is named after my mother who recently passed. Moreso, still remaining undefeated after taking the PCSO Maiden Stakes and the Philippine Sportswriters Association Cup,” pahayag ni Rabano.
Sa undercard, umarya ang Speed Fantasy, sakay si rising star Pabs M. Cabalejo at pagmamay-ari ni dating basketball superstar Paolo Medoza, sa Philracom-KDJM Juvenile Stakes na isinagawa bilang parangal kay dating Don Juan President Antonio “Tony Boy” Eleazar.
Mula sa pang-apat sa pagbubukas ng meta, umariba ang Speed Fantasy mula sa lahi ng Java’s War at Soul of Comete, tungo sa panalo sa 1,400-meter race sa tiyempong 1:31.2.
Nakopo naman ng Chancetheracer, ang limang taong bay filly ng SC Stockfarm, sakay si jockey Jesse Guce at sinanay ni Chito Santos, ang Philracom-KDJM Golden Girls Stakes.
Sa layong 1600 meters, ang pangarera mula sa lahi ng Quality Road at Christmas, ay nakapagtala ng tiyempong 1:41.4 (23’-24-25’-28’).
“Racing fests such as this is what keeps the lifeblood of horseracing flowing. Congratulations to the Klub Don Juan de Manila leadership headed by its current president Ferdie Eusebio. Expect more exciting races to come these next few weeks with the Presidential Gold Cup coming up on December 12,” sabi ni Philracom Chairman Reli de Leon. EDWIN ROLLON