MOMMY CARING LIYAMADO SA PHILRACOM-PSA CUP

NAKATAKDANG sumagupa ang paboritong Mommy Caring sa pistang karera ng 2021 Philracom-PSA Cup bukas (Linggo) sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Mula sa lahi ng Striding Ahead at On A Mission, ipakikita ng Mommy Caring ang kahusayan sa 1,600 meter race na may premyong P300,000. Makakalaban niya ang walo pang tigasing kabayo na nag-aasam na masungkit ang titulo at tampok na premyo.

Inaasahang malaki ang susuportang karerista kay Mommy Caring na pag-aari ni James Anthony Rabano at rerendahan ni jockey Lester De Jesus.

Magiging mahigpit na katunggali ni Mommy Caring ang Roll Da Dice na sasakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Patty Dilema.

Ang iba pang  kalahok sa event na suportado ng Philippine Racing Commission sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ay anf Fiesta Cubano, Well Done, Arrabiata, Money Changer, Shanghai Silk, Luke Skywalker at Tocque Bell.

Nitong Setyembre lamang ay nasikwat ni Mommy Caring ang korona sa 2021 PCSO 3-year-old Maiden Stakes Race na inilarga rin sa San Lazaro.

Komento ng ibang karerista, malaki ang tsansa ni Mommy Caring na manalo dahil gamay nito ang pista.

Samantala, masisilayan din sa nasabing araw ng karera ang bakbakan sa PCSO Silver Cup kung saan ay magtatapat ang mahigpit na magkaribal na Super Swerte, Boss Emong at reigning Presidential Gold Cup champion Pangalusian Island. EDWIN ROLLON