KAAGAD na sumikad sa unang kawala ang Mommy Caring at hindi na nagpatumpik-tumpik tungo sa impresibong panalo sa 2021 Philracom-Philippine Sportswriters Association (PSA) Cup nitong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Mula sa lahi ng Striding Ahead at On A Mission, ang alaga ng Esguerra Farm ni businessman/sportsman Hermie Esguerra ay rumatsada sa kabuuan ng 1,600 metrong distansiya sa tiyempong 1:41.9 (24’-24’-24’-28) para sa tagumpay at sa premyong P300,000.
“Inasahan ko na kami ang mananalo,” pahayag ni jockey Lester de Jesus na personal na hiniling na ang Mommy Caring ang huling papasok sa gates bago ang gunstart. “Mabisyo siya kaya talagang ni-request ko na huli siyang papasok.”
“Born sprinter talaga at kampante siya na ang laro niya nasa unahan,” sabi ni trainer Ramon Nartea, gumabay rin sa Mommy Caring nang magwagi sa Philippine Charity Sweepstakes Office-sponsored 3YO Maiden Stakes nitong Setyembre.
“Sigurado kaming walang mauuna sa kanya, so importante lang sa amin na i-keep niya ‘yung pace at ‘wag lang hayaang humangos.”
Pumangalawa ang Luke Skywalker para sa premyong P100,000 kasunod ang Tocque Bell para sa P50,000. Bumuntot ang Money Changer, Arrabiata, at Roll Da Dice.
Ang naturang stakes race ay isinagawa bilang pagbibigay benepisyo sa PSA, ang pinakamatandang media organization sa bansa, na binubuo ng mga sports editor at sportswriter mula sa iba’t ibang pahayagan na direkta ring naapektuhan ng COVID-19.
Pinasalamatan ng pamunuan ng PSA ang Philippine Racing Commission (Philracom), sa pangunguna ni chairman Aurelio ‘Reli’ de Leon.
Samantala, ginapi ng Super Swerte ang Boss Emong sa 2021 Philracom- PCSO Silver Cup.
“Expected ko kaya kong manalo,” sambit ng 35-anyos na si jockey Villegas na siya mismong nagsanay sa Super Swerte na pag-aari ni Mayor Sandy Javier ng Andoks Lechon Manok.
Naitala ni Super Swete ang impresibong 1:50. 6 minuto sa 1,750 meter race sapat upang hamigin ni Mayor Sandy Javier, ang tumataginting na P2.4-M sa event na inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office at ng Philracom.
“Napakaganda ng naging labanan sa panig nina Super Swerte at Boss Emong at talagang kapana-panabik hanggang sa huli,” sabi ni De Leon.
Kinuha ng Boss Emong ang second place prize na P800,000 habang P400,000 at P200,000 ang naiuwi ng Union Bell at Greatwall na dumating na tersero at pang-apat, ayon sa pagkakasunod. EDWIN ROLLON