MON TULFO DAPAT NANG DAMPUTIN?

MASAlamin

ISANG  credible source ang nagsabi sa inyong lingkod na ang kolumnista, na may kinakaharap na kasong libelo sa Branch 46 ng Manila Regional Trial Court, ay hindi humingi ng permiso o pahintulot sa korte nang sumama ito para bumiyahe sa China kasama sa entourage ni President Rodrigo Duterte.

Ito ay tahasang paglabag sa Rule 114, Section 23 ng Rules of Court kung saan ang akusado na nakalalaya sa pamamagitan ng piyansa ay maaring damputin kung may tangka na umalis ng bansa nang walang pahintulot ng korte kung saan siya may kinakaharap na kaso.

Malamang na alam na ito ni Tulfo.

Ipinapaalala ko lamang na hindi ito ang unang kasong libelo na isinampa kay Tulfo dahil sandamakmak pang ibang libelo–mahigit 30 ang nakasampa laban sa kolumnista sa iba’t ibang panig ng bansa.

Si dating Justice Vitaliano Aguirre, na nagsampa ng kaso sa Manila court, at si Exe­cutive Secretary Salvador Medialdea ay mayroon  ding isinampa na libel sa notorious na kolumnista dahil sa mga malisyoso at walang basehan na mga sinulat nito.

Ang  kaso na isinampa ni Aguirre, ay bunsod ng mga sumusunod na columns na lumabas sa print at online version na manilatimes.net: “Living the life of the rich and famous” lumabas noong April 11, kung saan binansagan si Aguirre bilang protektor ng human trafficking syndicate sa Ninoy Aquino International Airport at umano’y nag-issue ng circular na inalisan ng power si Immigration Commissioner Jaime Morente para mag-assign at reassign ng mga bureau personnel.

Ang pangalawang column ay: “The ball is now in Secretary Guevarra’s Hands” na inilabas noong April 13, kung saan sinabi rito na si Guevarra umano ay tumanggap ng pera mula sa nasabing sindikato kahit na nag-resign na siya bilang Justice Secretary.

Ang pangatlo ay: “Bato, a clown in the staid Senate” na lumabas noong July 11, kung saan sinabi na si Aguirre umano ay protektor ng sindikato.

Ang pang-apat naman ay: “Why Digong scrapped all PCSO franchises” na inilabas noong July 30, kung saan sinabi na ang small-town lotteries ay lumobo sa kasalukuyang administrasyon upang ma-accommodate ang ilang tao kasama na si Aguirre.

Sinabi rin ni Aguirre na ang mga isinulat ni Tulfo ay pawang “defamatory” Facebook posts kung saan inulit ang mga nakasisirang alegasyon noong April 9,  April 13 at June 8.

Sinabi naman ni Medialdea na si Tulfo ay gumawa ng mga nakasisirang mga komento laban sa kanya nang sabihin niya na ang executive secretary ay may “unholy alliance” kay Philippine Cha­rity Sweepstakes Office board member  Sandra Cam, at inupuan nito nang isang taon ang apela para sa isang government reward money, at humihingi siya ng pera sa pamamagitan ng isang emisaryo para ma-release ang reward.

Isa lamang ang conclusion: na si Tulfo ay sadyang walang galang sa batas at sa kapangya­rihan ng korte at ng Rules of Court kaya  marapat lamang na patawan ng kaukulang parusa.

Comments are closed.