INALMAHAN ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang mga alegasyon na iniuugnay ang kanyang amang si Angelito Guo sa money laundering activities sa bansa.
Sa kanyang liham na ipinadala sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na nagsasagawa ng executive session kaugnay sa mga aktibidad na may kaugnayan sa ni-raid na POGO hub sa Tarlac, sinabi nu Guo na negosyante ang kanyang ama hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
Ipinaliwanag niyang madalas na lumalabas ng bansa ang kanyang ama upang asikasuhin ang kanyang mga negosyo at wala siyang kinalaman sa POGO activities o anumang ilegal na gawain.
Binigyang-diin pa ni Guo na ang pangunahing negosyo ng kanyang ama ay ang embroidery na matagal nang itinayo sa bansa.
Itinanggi rin ng alkalde ang paratang na nagpabaya siya bilang local chief executive kaya naitayo ang POGO hub.
Sinabi ni Guo na ang mayor’s permit na kanyang inisyu sa Zun Yuan ay batay sa kumpletong dokumentong isinumite nila matapos makuha ang permit mula sa PAGCOR.
Naninidgan din ang alklade na si Amelia Leal ang kanyang ina at hindi si Lin Wen Yi na inamin naman niyang kinakasama rin at business partner ng kanyang ama.
Muling umapela ang alkalde sa mga senador at maging sa publiko na pakinggan ang kanyang mga paliwanag bago siya husgahan kasabay ng pag-amin na labis siyang nasasaktan sa mga taguri sa kanya bilang espiya ng China.
Sa huli, binigyang-diin ni Guo na wala siyang kinalaman sa anumang hacking activities sa Bamban, Tarlac at walang basehan ang mga alegasyon sa kanya na tinawag niyang haka-haka.
VICKY CERVALES