MONEY SUPPLY LUMAGO

LUMAKI ang money supply ng 14.3 percent noong Mayo, bahagyang mas mataas sa 14.2 percent noong Abril, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang domestic liquidity o M3—ang pinakamalawak na sukatan ng pera na kumakalat sa financial system— ay nasa P11 trillion noong Mayo kompara sa P10.9 trillion noong Abril.

“The overall pace of growth in M3 remains broadly in line with the BSP’s prevailing outlook for inflation and economic activity,” wika ng central bank.

Lumago ang domestic claims ng 16.8 percent noong Mayo, mas mataas sa 16.4 percent noong Abril dahil sa tuloy-tuloy na paglago sa bank ­lending.

Ang paglago sa bank loans ay patuloy na inuudyukan ng pagpapautang sa mga pangunahing production sectors tulad ng wholesale at retail trade; repair ng  motor vehicles at motorcycles; real estate activities; financial at insurance activities; manufacturing; at electricity, gas, steam at airconditioning supply.

Tumaas naman ang net claims sa central government ng 17.3 percent noong Mayo mula sa binagong 13.1 percent noong Abril  na resulta ng pagsipa ng ­borrowings ng national government.

Ayon pa sa datos ng BSP, ang net foreign assets (NFA) sa peso terms ay lumaki ng 5.4 percent year-on-year noong Mayo mula sa 4.2 percent sa naunang buwan.

“Foreign exchange inflows coming mainly from overseas Filipinos’ remittances and business process outsourcing receipts drove the growth in the BSP’s NFA position,” sabi pa ng central bank.

Lumaki rin ang NFA ng mga bangko at lumobo ang foreign assets nito sa likod ng pagsipa ng loans at investments sa marketable debt securities.

Sa kabila nito, ­nangako ang BSP na patuloy na mahigpit na babantayan ang domestic ­liquidity upang masiguro na ang monetary conditions ay makatutulong upang mapanatili ang katatagan ng presyo at pananalapi.

Comments are closed.