IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil sa kanyang mga opisyal na iprayoridad ang kaligtasan ng publiko at hindi ang pagbibigay ng serbisyo sa mga pribadong indibidwal.
Kaya mahigpit nitong pinatitigil ang “moonlighting” o paggawa ng sideline ang mga pulis habang nasa serbisyo.
“Our duty is to ensure the safety of our citizens. Police must be available at all times to address the needs and concerns of the public,” paalala ni Marbil.
“By prohibiting moonlighting, we are reinforcing our commitment to quick and efficient response to any situation,” anang heneral kaya naglabas ng direktiba para magarantiyahan na handang tumugon nang mabilis ang lahat ng pulis sa mga reklamo ng mga mamamayan at agarang pangangailangan.
Ginawa ng PNP chief ang naturang direktiba kasunod ng ilang mga insidente ng moonlighting sa hanay ng pulisya kabilang ang naiulat kamakailan na 4 na miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team na nagbigay umano ng security service sa isang pribadong event sa Pasig City.
Ang apat ay tinanggal na sa kanilang puwesto kasunod ng imbestigasyon ng Eastern Police District (EPD).
Habang may dalawa namang kasapi ng PNP-SAF ang nabistong tumatayong security ng isang mayamang Chinese national na naninirahan sa Ayala, Alabang ang inaresto at ipinagharap ng kasong administratibo .
Samantala, nauna nang sinabi ng PNP na plano nitong bumuo ng isang special team na nakatuon sa pagpigil sa hindi awtorisadong paggamit ng mga sasakyan ng PNP at naatasan din subaybayan ang mga opisyal at tauhan na nakikibahagi sa moonlighting.
Batay sa PNP regulations, tanging Police Security Protection Group (PSPG) ang pinapayagang magbigay ng seguridad sa mga awtorisadong indibidwal. VERLIN RUIZ