MORATORIUM SA PAGBABAYAD NG AMORTISASYON AT INTERES SA LUPANG SAKAHAN

KILALANG  sagana sa yaman ang lupa ng Pilipinas.

Malawak ang mga sakahan at karagatan.

Ang mga magsasaka at mangingisda ang nagsusuplay ng pagkain sa malaking populasyon ng bansa.

Papaunlad pa lamang tayong bansa.

Kaya sabi nga, kung tatamad-tamad ka raw ay baka mahuli at maghirap ka.

Pinahahalagahan naman ng administrasyong Marcos ang mga magsasaka.

Kaya noong Setyembre o ilang linggo matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA), pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Executive Order (EO) na nagpapataw ng isang taong moratorium sa pagbabayad ng taunang amortisasyon at interes ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBS).

Siyempre, saklaw nito ang mga lupang agrikultural na ipinamahagi sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Makababawas sa pasanin ng mga benepisyaryo mula sa kanilang mga utang ang isang taong moratorium sa land amortization at interest payment.

Ang pera ay tiyak na magagamit ng mga benepisyaryo sa pagpapaunlad ng kanilang mga sakahan.

Ang EO sa moratorium ay bilang paghahanda raw sa panibagong katuparan ng pangako ng Punong Ehekutibo.

Kung maaalala kasi, inihirit ni PBBM sa Kongreso na magpasa ng batas para alisin na ang mga utang ng agrarian beneficiaries lalo na ang mga mayroong hindi pa nababayarang amortisasyon at interes.

Nakikipagtulungan na raw ang DAR sa Kamara sa pag-amyenda sa Section 26 ng Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law ng 1988.

Kung hindi naman ako nagkakamali, sasakupin ng condonation ng umiiral na agrarian reform loan ang halagang P58.125 bilyon.

Humigit-kumulang 654,000 ARBS ang makikinabang dito at maging ang kabuuang 1.18 milyong ektarya ng mga lupang naipamahagi.

Ito’y patunay na talagang may puso para sa mga magsasaka si PBBM.

Nakabibilib na dahan-dahan na niyang sinusuklian ngayon ang mga magsasaka na lubos na naaapektuhan ng krisis na kinahaharap ng bansa.

Dahil nga rito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na makabawi.

Ganap na ring may-ari ng lupa ang 68 magsasaka mula sa Negros Occidental.

Alinsunod sa programang pang-agraryo, ginawaran sila ng DAR ng certificates of land ownership award (CLOAs).

Aabot naman sa 36 ARBs ang makikinabang sa 3.39 ektarya ng lupang pang-agrikultura mula sa bayan ng Enrique B. Magalona habang 15 ARBs naman ang benepisyaryo ng nasa pitong ektarya naman mula sa bayan ng Manapla habang may 17 ektarya mula sa lungsod ng Silay ang napunta sa 17 ARBs.

Batay naman sa mga survey, patuloy na bumabangon ang bansa mula sa pandemya.

Sabi naman ng iba, mas higit sigurong gaganda ang kalagayan ng bansa kung makikipagtulungan ang mga kritiko ng gobyerno o gumawa ng mga hakbang para sa mga naghihirap nating mga kababayan.

Mas maigi sigurong kalimutan na muna ang pulitika at personal na ambisyon at bayan na muna ang isipin.

Simula na marahil ito ng mas mabilis nating pagbangon mula sa kalamidad at krisis.

Alam kasi ng administrasyon na para magkaroon ng matatag na ekonomiya at sapat na suplay ng pagkain, dapat inaalagaan at sinusuportahan nang todo ang agrikultura at ang mga magsasaka.