MORATORIUM SA TUITION SA MGA BIKTIMA NG KALAMIDAD

Rep Sarah Elago-2

NANAWAGAN si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago sa Department of Education at Commission on Higher Education na magpatupad ng national moratorium sa matrikula at iba pang bayarin.

Ayon kay Elago, ang panawagan ay hindi lamang sa mga estudyante at mga magulang na apektado ng pagputok ng Bulkang Taal kundi pati na rin sa mga pamilya na hanggang ngayon ay bumabangon pa rin dahil sa nagdaang Bagyong Tisoy, Ursula at sunod-sunod na lindol sa Mindanao.

Nagsimula na ngayong Enero ang pagsusumite ng mga paaralan ng kanilang dagdag na singil sa tuition and other school fee (TOSF) at ngayong Pebrero magsasagawa ng konsul­tasyon sa DepEd at CHED.

Bukod sa mga ayudang ibinibigay sa mga biktima ng kalamidad, mahalaga aniya ang tuition fee moratorium lalo na sa mga magulang na ngayon ay muli pang binubuo ang kanilang mga nasirang tahanan at kabuhayan.

Tinukoy ni Elago na ang mga paaralan na apektado ng bagyong Tisoy at Ursula ay nagsasagawa pa rin ng kanilang mga klase sa mga tent at temporary learning spaces.

Ngayon naman sa paga-alboroto ng Bulkang Taal, aabot sa 2.4 million na mga estudyante sa 78 public schools na nasa loob ng 14 km radius danger zone ang apektado at nasa 141 na mga public schools sa labas ng Taal ang inabot din ng ashfall at hindi rin makapagsagawa ng klase sa kanilang mga eskwe-lahan.        CONDE BATAC

Comments are closed.