HINILING ng isang mambabatas sa gobyerno na magpatupad ng moratorium sa paniningil sa utang ng mga magsasaka na biktima ng bagyong Ompong.
Ayon kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao, base sa record ng Department of Agriculture (DA) ay lumalabas na mahigit P14 billion ang halaga ng pinsalang iniwan ni ‘Ompong’ sa agrikultura kung saan 40 porsiyento ng nasirang palayan ay sa Cagayan Valley, Cordillera, Ilocos, Central Luzon at Calabarzon.
Partikular na ipinapanawagan ni Casilao ang pagpapatupad ng moratorium sa Land Bank at Development Bank of the Philippines na karaniwang nagpapautang sa mga magsasaka.
Nanawagan din ang kongresista sa mga private creditor na sumunod sa oras na magpatupad ng moratorium bilang tulong sa mga magsasakang bumabangon muli pagkatapos ng kalamidad.
Iginiit ni Casilao na sa ganitong sitwasyon ay hindi muna dapat pinipilit ang mga magsasaka na magbayad ng kanilang utang.
Pinaaagapan din ng kongresista sa pamahalaan ang epekto ng bagyo sa suplay ng bigas lalo pa’t pangunahing rice producer ng bansa ang sinalanta ng bagyong Ompong.
Samantala, nanawagan ang ilang miyembro ng Kamara sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Cooperative Development Authority (CDA) at iba pang financial institutions, gayundin sa Energy Regulatory Commission (ERC), na agad na magpaabot ng tulong sa mga indibidwal, grupo o samahan na nasalanta ni ‘Ompong’.
Ayon kay House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman at 2nd Dist. Leyte Rep. Henry Ong, maaaring magdeklara ng ‘regulatory relief’ ang BSP at CDA para sa mga bangko at kooperatiba na kabilang sa mga naapektuhan ng bagyo.
“Sa pamamamagitan ng BSP at CDA, makatatanggap ng direktang tulong ang mga naapektuhan ng bagyong Ompong. Ito’y sa pamamagitan ng pagsuspinde sa pagpataw at pagkolekta sa interes o iba pang surcharges sa anumang utang na dapat sana ay mabayaran ng mga binagyo,” sabi pa ng Leyte province lawmaker.
Nanawagan din si Ong sa iba pang financial institutions na huwag na munang magpataw ng anumang dagdag na singilin gaya ng ‘penalty’ at iba pa sa mga indibidwal o grupo na may pagkakautang sa kanila, partikular sa mga lugar na sinalanta ni ‘Ompong’.
Umapela rin ang mambabatas sa CDA na agad na magpadala ng kinatawan nito sa Itogon, Benguet para matutukan ang pagbibigay ng tulong sa mga miyembro ng iba’t ibang kooperatiba roon.
“Marapat lang din na magpalabas ang CDA ng direktiba na sinususpinde muna ang paniningil ng mga utang sa kooperatiba at hindi dapat papatawan ng anumang penalty o surchage dahil sa delayed payments,” dagdag ni Ong.
Sa panig ni House Committee on Energy Vice Chairman at 1-CARE partylist Rep. Carlos Roman Uybarreta, sinabi nito na magkaroon ng ‘force majeure regulatory relief’ sa electric cooperatives na sinalanta rin ni ‘Ompong’ ang operasyon.
Kasunod ng pagkakatalaga kay Catherine Maceda bilang bagong ERC commissioner, sinabi ni Uybarreta na mayronn nang sapat na ‘quorum’ ang komisyon para magpalabas ng kaukulang desisyon o kautusan nito, lalo na ang pagtulong sa hanay ng mga kooperatibang nasa power distribution at generation, partikular ang naapektuhan ng nakaraang kalamidad. CONDE BATAC/ ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.