MORATORIUM VS TATTOO REMOVAL POLICY NG PNP

DAHIL sa health and medical issue hinggil sa planong pagpapabura ng mga kagawad ng pulisya sa kanilang mga nakalantad na tattoo ay nagpalabas ng moratorium ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nagpapaliban sa pagpapatupad ng polisiya sa pagtanggal ng kanilang mga tattoo.

Inatasan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na mag-isyu ng moratorium na nagbibigay daan para pag-aaralan ang Memorandum Circular 2024-023 na nag-uutos sa mga uniformed at non-uniformed personnel ng pambansang pulisya na ipabura ang kanilang mga visible inked.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, gusto ni Marbil rebisahin muna ang polisiya bago ang ganap na pagpapatupad nito dahil sa health at medical issues na maaaring idulot ng pagtatanggal ng mga tattoo na ginagamitan ng chemical o laser.

Bukod pa sa posibleng administrative sanctions na ipapataw sa mga pulis na hindi makakatalima sa inilabas na polisiya.

Nabatid pa na base sa nasabing memorandum, minamandato ang lahat ng pulis na may tattoo na magbigay ng written affidavit na nagdedeklarang natanggal na ang kanilang mga tattoo at hindi na rin maaaring magdagdag pa .

Samantala, nilinaw din ng pambansang pulisya na hindi saklaw sa kautusan ang mga aesthetic tattoos gaya ng eyebrows, eyeliner o lip tattoo. VERLIN RUIZ