‘Red tape’ sa building permit ng telco tower basagin – CWP
MABILIS na matutugunan ang kakulangan ng internet sa maraming lugar sa bansa at ang pangangailangan ng mabilis na digital function sa panahon ng krisis tulad ngayong pandemya kung agarang mapupunuan ng mga telco ang kakulangan ng kanilang mga tore o cell towers.
Ito ang ipinahayag ng Citizen Watch Philippines makaraang tumanggap ng ulat na sobrang naiipit ang mga kontractor ng telco towers sa proseso ng construction at work permits mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ng grupo ang umano’y sobrang habang panahong paghihintay ng building permit sa mga lokal na pamahalaan bago makapag-umpisa ng pagpapatayo ng cell towers.
“We call on the givernment to prioritize the strengthening of the telecom and digital infrastructure in both urban and rural areas to expand the reach and access to cloud-based services for the entire population… and the first step is to demolish the bureaucratic barriers that have been causing construction delays of telco towers,” mariing pahayag ng CWP.
Hiniling ng advocacy group sa gobyerno na rebisahin at gawing makatuwiran ang permitting and certification requirements sa lahat na telco projects at kailangan umanong maipatupad nang mahigpit ang iniutos sa DICT Circular No. 8 na pitong araw lamang tatagal ang pagproseso ng nasabing construction permits.
Binanggit din ng CWP ang katotohanang iminulat ang bansa ng pandemyang COVID-19 sa pagyakap ng teknolohiya sa pang-araw-araw na buhay, sa mabilis at ligtas na komunikasyon sa kapwa at maging sa pagsisikap na mag-survive sa mga gastusin sa pamamagitan ng bagong tuklas na online livelihood activities.
“Maging ang paghanap natin ng libangan sa iba’t ibang social media platforms at telebisyon at ang pag-alalay natin sa ating kalusugan gaya ng e-consult sa mga doktor ay nakasalalay sa maayos, malawak at mabilis na serbisyo ng mga telco na mangyayari lamang kung kanilang maipatatayo ang sapat na bilang ng mga tore o cell towers,” sabi pa ng grupong nagbabantay laban sa mga palpak na gawain sa gobyerno.
Nauna nang dumaing at nagreklamo ang ilang civil works contractors ng telco towers sa umano’y ‘red tape’ at hindi makatuwirang rekisitos sa pagproseso ng building permits, lalo na sa ilang LGUs na inuupuan ng ilang tiwaling lingkod-bayan.
Ayaw man magpabanggit ng kanyang pagkakakilanlan sa pangambang siya’y balikan, mariing sinabi ng isang telco tower contractor ang dinanas ng kanyang opisina na pagpapaikot-ikot ng mga papeles sa isang lungsod sa Metro Manila na hanggang sa ngayon ay wala pa ring aksiyon, taliwas sa DICT memorandum na pitong araw lamang na processing time.
Comments are closed.