‘MORE JOBS’ SA IKA-24 ANIBERSARYO NG TESDA

TESDA-DiG-Guiling-Mamodiong

INILUNSAD ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kahapon ang “World Café of Opportunities (WCO) through Job Linkaging and Networking Services (JoLiNS).”

Ang paglulunsad ng naturang proyekto ay bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng 24th TESDA ­Anniversary at selebrasyon ng National Tech-Voc Day sa darating na Agosto 25, 2018.

Ang launching ceremony ay ginanap sa Tandang Sora Hall, TESDA Women’s Center kasabay ang paglalagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng TESDA sa ­pangunguna ni Director General, Secretary Guiling Mamondiong at 19 opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at private organizations na nagkaisa na magtulungan sa pagpapatupad ng WCO.

Sa nasabing bilang, 13 ang government agencies at 6 ang private organizations.

Ang  aktibidad  ay  bilang preparasyon din para sa  sabay-sabay na pagdaraos ng 2-day regional WCO sa Agosto 25-26, 2018 sa 17 rehiyon ng bansa kaugnay sa pagdiriwang ng National Tech-Voc Day.

Sinabi ni Mamondiong na ang WCO through JoLiNS ay isa sa mga estratehiya  para matulungan ang  mga  Technical Vocational Education and Training (TVET) graduates/alumni upang madali silang makakuha ng trabaho, kapuwa sa wage employment  at self-employment.

Ito ay magsisilbing ‘one-stop shop’, sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan ng mga ahensiya ng gobyerno, pribadong mga kompanya, tech-voc institutions at financing institutions upang magdaos ng job fairs para sa mga iaalok na mga trabaho, trainings  at financing opportunities at maayos na  job-skills matching sa mga TVET graduates at iba pang gustong mag-avail sa nasabing  mga serbisyo.

Ipinaliwanag ni Mamondiong na polisiya ng gob­yerno ay iparating sa WCO  thru  JoLiNS ang kinilalang  mga key employment generators (KEGs) na lilikha at  magbubukas ng maraming trabaho sa iba’t ibang sector partikular sa konstruksiyon  bilang suporta sa Build Build Build Program ni ­Pangulong Rodrigo Duterte.      MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.