MORE JOBS SA MAAYOS NA TRANSPORT SYSTEM

KUMPIYANSA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang pagpapabuti ng public transport system sa bansa ay lilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa ceremonial signing ng contract package ng mga electromechanical system at track works para sa North-South Commuter Railway System (NSCRS), sinabi ng Pangulo na libo-libong trabaho ang bubuo sa pagpapatupad ng proyekto.

“Ladies and gentlemen, we recognize the fact that an efficient transportation system will have a multiplier effect on employment and on the economy,” sabi ng Pangulo.

“Furthermore, it will strengthen what we have seen our weaknesses in the supply chain, that have been brought about by the pandemic economy, that have been brought about by the crisis in Ukraine and that we now must attend to if we are going to be able to say that we will grow the economy, that we will make it stronger, we will make it more sustainable, and we will make it more effective at improving the lives of our countrymen,” pagdiriin ni Pangulong Marcos.

Inilarawan ng Punong Ehekutibo na ang proyekto ay magsisilbing “landmark initiative” upang maikonek at maipagpatuloy ang kaunlaran at ito ay mamarkahan ng isang bagong panahon ng kaunlaran para sa Pilipinas patungo sa new normal.

Pinasalamatan ng Pangulo ang Department of Transportation para sa milestone project na makabuluhang bawasan ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Clark International Airport at Calamba City, Laguna sa pagtatapos nito.

Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang gobyerno ng Japan at ang Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa suportang pinansyal sa pagpapatupad ng CP NS-01 at sa pagiging aktibong katuwang sa pagpapaunlad ng imprastraktura ng bansa.

Maging ang Mitsubishi Corporation ay pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo sa pakikipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas sa pagpapatupad ng CP NS-01.

Ang NSCRS ay isang 147.26-kilometer railway project na mag-uugnay sa Clark, Pampanga at Calamba City sa Laguna.

Binubuo ito ng orihinal na NSCR Project, Malolos-Clark Railway Project (MCRP) at North-South Railway Project-South Line Commuter (NSRP), na kilala rin bilang South Commuter Railway Project (SCRP).

Kapag nakumpleto sa 2029, ang NSCR system ay inaasahang makababawas ng oras ng paglalakbay sa pagitan ng Clark International Airport at Calamba City mula 4 na oras hanggang 2 oras.

Ang linya ng riles ay inaasahang makakapag-accommodate ng 800,000 pasahero kada araw.

Ang NSCRS ay may kabuuang halaga ng proyekto na P873.62 bilyon at ito ay co-finance ng Asian Development Bank at JICA. EVELYN QUIROZ