ANG pinatatag na ‘tax reform package’ na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) ay lilikha ng mahigit 1.1 milyong trabaho sa loob ng limang taon at magdadala ng isang V-Shape Recovery o biglaang pagbangon ng ekonomiya.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chair Albay Rep. Joey Sarte Salceda, co-chair ng Defeat COVID-19 Committee Stimulus Package, ang bilang ng trabahong mabubuksan sa pagpasa ng CREATE ay mababa lamang sa kalahati ng tinatayang 2.2 milyon hanggang 4.4 milyong manggagawa na matatanggal sa taong kasalukuyan, dahil sa COVID-19.
Ang CREATE ay ang dating Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act o CITIRA na pinatibay ng mababang kapulungan sa pangunguna ni Salceda, na siya ring pangunahing may akda ng bill, upang lalong matugunan ang hamon ng new coronavirus pandemic.
Makatutulong din ang CREATE sa paglago ng may 1.2% ng GDP bawat taon, na maaring pumalo sa 8% sa 2021, ayon sa tinatawag na ‘base effect’.
Sa ulat ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee (DBCC), maaring lumago ang ekonomiya sa antas na 7.1% hanggang 8.1 % sa 2021. Sa kasalukuyang taon, tinaya ng DBCC na uurong ng 2% hanggang 3.4% ang GDP, na isa na sa mga pinakamalalang paglubog ng ekonomiya noong 1985 kung saan umabot sa 6.9% ang pagbagsak ng GDP.
“I think we need CREATE in order to trigger a V-shaped recovery next year,” ani Salceda, na nagpasalamat sa suportang ipinakita ng kapwa mga kongresista, upang maipasa ang panukala sa lalong madaling panahon.
Ang CITIRA ay inaprubahan ng mababang kapulungan sa nagdaang taon, at ngayo’y nakabinbin sa Senado.
Ito ay pinagtibay na isang napakahalagang panukala ni Pangulong Duterte sa nagdaang Marso.
Sinabi ni Salceda na ang mababang kapulungan ay sasang-ayon sa bersiyon ng Senado upang mapabilis ang pagpasa ng CREATE, kung ito’y maayos at tama sa tawag ng pangangailangan ng ekonomiya.
Hinihingi ng CREATE ang pagbawas ng Corporate Income Tax (CIT) sa bansa mula 30%, na siyang pinakamataas sa rehiyon, hanggang 25%.
Ayon kay Salceda, maraming “flexible incentives” ang CREATE. Mula sa 25% na CIT nito, tatabasan pa rin kaagad ang 5%, at patuloy na babawasan ng 1 % taon-taon mula 2023 hanggang 2027, tungo sa 20% na target.
Ang mawawala sa gobyerno dahil sa mga pagbawas na ito ay aabot sa P667 bilyon sa pagitan ng 2020 at 2027, ayon sa Department of Finance.
Sa unang kaltas ng CIT mula 30% tungo sa 25% sa Hulyo ngayong taon, sakaling maaprubahan ang CREATE sa Hunyo, mawawalan ang gobyerno ng P42 bilyong koleksiyon ng buwis sa kasalukuyang taon.
Subalit ito nama’y magsisilbing tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng “savings” o natipid na bayarin ng mga maliliit na negosyo sa bansa.
Comments are closed.