MORIONES FESTIVAL, A MEMORABLE HOLY WEEK EXPERIENCE

KUNG gusto ninyong makaranas ng isang kakaibang Holy Week, punta tayo sa Marinduque at dumalo sa kakaibang pagdiriwang na kung tawagin ay Moriones Festival. Tinawag itong Moriones dahil ang mga dumadalo ay nagsosoot ng Morion masks na mabibili sa mga kalsada kapag Mahal na Araw. Kung first time mo sa Moriones Festival, magsoot ka rin ng Morion mask para masaya. Ang Morion masks ay yari sa kahoy na maskara na isinosoot upang magmukhang sundalong Romano.

Liban sa Moriones, makikita rin sa Holy Week celebrations ng Ma­rinduque ang mga flagellants o mga nagpepenitensyang hinahampas ang sarili. Mayroon din silang Senakulo, bukod pa sa Pugutan na isa rin sa mga inaabangan ng lahat.

Ang Pugutan ay isang play tungkol sa buhay ni Longinus, na bulag ngunit nakakita nang matilamsikan ang mata ng dugo ni Hesus.

Mula Lunes Santo hanggang Easter Sunday, gumagala ang mga morion sa mga bayan ng Boac, Gasan, Santa Cruz, Buenavista, at Mogpog. Minsan, natatakot sa kanila ang mga bata, ngunit nasasanay na sila sa paglipas ng panahon.

Habang namamasyal ang mga morions, nagkakaroon din ng mga pabasa sa mga bahay-bahay o sa mismong town center. Nagsasagawa rin ng Via Crusis, kung saan may mga nagpepenitensya o nagbababa ng krus habang nagpaparada. Sa Linggo ng Pagkabuhay na tinatawag ring Domingo de Pascua o Easter Sunday, ipinalalabas ang Pugutan sa stage. Ang Pugutan ay ang pagsasadula ng buhay ni Saint Longinus, kung saan ang isang bulag na mata ay nakakita nang matalsikan ng dugong nagmula sa tagiliran ni Kristo, nang saksakin ito ng sibat.

Maliit na probinsya lamang ang Marinduque kaya wala itong malalaking restaurant na makikita sa Metro Manila. Pero masarap ang pagkain sa mga karinderya at may mga maliliit ding restaurant tulad ng Goodchow Food Express at Kusina sa Plaza. Sikat sa Marinduque ang bibingkang lalaki at bibingkang pinahiran.

Kung plano ninyong magtagal sa Marinduque pagkatapos ng Moriones, may iba pa namang mapupuntahan. Makakabili rin ng mga pasalubong sa Mogpog kung saan may magagandang narra furniture tulad ng sala sets, beds, at cabinet. Pwede ring bumili sa Torrijos ng woven placemats at table runners. Makikita rin sa Torrijos ang Poctoy Beach, na may maputing buhangin at malinaw na asul na karagatan. Isa pang seaside location ay sa Santa Cruz – ang Maniwaya Island at Palad Sandbar. Kung nag­hahanap naman kayo ng mas imposing at inspiring location, nakikita sa Santa Cruz ang Ungab Rock Formation, kung saan napakagandang mag-selfie.

Pwede rin sa Marinduque ang island-hopping, spelunking, o kayaking. Pwede ring mag-snorkel, sunbathe, at lumangoy. May tatlong islang magkakatabi na ipinangalan sa Three Kings Melchor, Gaspar, at Baltazar, at bawat isla ay perfect sa kung anumang activities. Ang Gaspar ay maganda sa swimming; ang Melchor ay may rock formation na perfec sa Instagram posting; habang ang Baltazar ay maganda sa scuba diving at snorkeling. Pwede ring mag-spelunking sa Bagumbungan Cave, na may habang 1.9 kilometers at tahanan ng napakagandang rock formations. Sa Isla del Carmen Ecopark naman ay may mga kayaks, zip line, at mangrove forest.

Mula Marinduque, pwedeng tumawid patu­ngong Mindoro is nearby mula sa Gasan. Bangka lamang ang katapat nito, at makakarating ka na sa Puerto Galera, Sablayan, at Abra de Ilog.

Mainit ang panahon kapag Mahal na Araw sa Pilipinas, kaya siguruhing maluwag at kumportable ang inyong soot. KAYE NEBRE MARTIN