BATAAN – NALAMBAT na ng awtoridad ang pangunahing suspek sa umano’y pagholdap at walang awang pagpatay sa mag-asawang negosyante na kalugar nito sa bayan ng Hermosa, matapos itong maispatan sa kanyang pinagtataguan sa Barangay San Andres, Guimba.
Batay sa ulat ni Hermosa Municipal Police Station Chief of Police Major Madtaib Jalman kay Bataan Police Director Col. Villamor Tuliao, nakilala ang nadakip na suspek na si Bernald Dayag Nicolas alyas “Bong”, 50-anyos, residente ng Purok 7, Palihan.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Dinalupihan, Batsa RTC Branch 5 Judge Ma. Lourdes Elthanal-Ignacio nasukol at nadakip ang suspek sa pinagtataguan nito.
Sa talaan ng pulisya, si Nicolas ay Number 1 Top Most Wanted Person Municipal level na pangunahing suspek sa pagholdap at pagpatay sa mag-asawang negosyanteng sina Reggienard at Erly Cubilla noong Disyembre 8, 2018 sa Barangay Palihan.
Umabot sa halos pitong buwan ang paghahanap at pagtugis kay Nicolas na nasukol din ng mga awtoridad.
Matatandaang una nang nahuli ng awtoridad ang isang kasama umano nito sa krimen na si Leonardo Rieza Jr., na natukoy ng mga testigo kung saan napatay matapos umanong mang-agaw ng baril at manlaban sa mga pulis sa loob mismo ng bakuran ng Police Station sa naturang lugar.
Kasong robbery with double homicide ang kahaharaping kaso ng suspek.
Magugunitang pinagbabaril at napatay ang mag-asawa kung saan natangay ang tinatayang mahigit kalahating milyong piso na kinita ng mga ito sa pagtitinda. ROEL TARAYAO