MOST WANTED PERSON, 31 IBA PA NADAKIP SA ANTI-CRIME DRIVE

nadakip

BULACAN – UMABOT sa 32 suspek sa iba’t ibang kaso kabilang ang Bulacan no. 1 most wanted person (MWP) at siyam na sangkot sa droga ang nadakip ng Bulacan-PNP makaraang paigtingin ang anti-crime drive sa lalawigan kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.

Base sa report ni P/Col. Emma M. Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan Provincial Police Office, naki­lala ang naaresto na si Randy Timoteo na nakorner ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan Provincial Highway Patrol Team (PHPT) at  2nd Provincial Mobile Force Company ng Bulacan-PNP.

Nabatid na kabilang sa sampung nadakip ay nakorner ng Tracker Team ng PNP sa mga bayan ng San Miguel, Malolos City, Dona Remedios Trinidad (DRT) at San Ildefonso at mayroong kasong kinakaharap tulad ng murder, robbery, concubinage, theft at physical injuries.

Siyam na sangkot sa pagtutulak ang nakorner sa serye ng buy bust operation sa mga bayan ng Bulakan, San Jose del Monte City, Malolos City at San Ildefonso at umabot sa 22 pakete ng shabu at buy bust money ang narekober ng Drug Enforcement Unit (DEU) habang 13 iba pa ang nadakip ng awtoridad dahil sa iba’t  ibang kaso sa police response at paglabag sa lokal na ordinansa.

Pahayag ni Libunao na ang pagkakadakip sa mga suspek ay base sa isang araw na Anti-Crime Drive ng Bulacan Police at base sa direktiba ni P/Lt. Gen. Archie Gamboa, OIC PNP kung saan lalo pang palalakasin ng pulisya ang kampanya sa iba’t ibang kriminalidad. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.