NAARESTO kahapon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang sinasabing most wanted Japanese national at pinuno ng major fraud ring sa nasabing bansa.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang puganteng Hapones na si Koyama, na kilala sa tawag na “Misao Kaminsukaso” at nahuli ito ng BI fugitive search unit (FSU) nitong nakalipas na Disyembre 19 sa may Gil Puyat sa Maynila.
Nadiskubre ng BI na si Koyama ay tumatayong leader ng eight-man fraud ring sa Japan kung saan ang modus ng mga ito ay nagbebenta ng lupa na pag-aari ng ibang tao sa pamamagitan ng pagpalsipika ng deed of sale.
Nakarating sa pamunuan ng BI na umaabot na sa bilyong yen ang natangay ng suspek sa kanilang naging biktima sa kanilang lugar.
Nasakote si Koyama ng FSU dahil sa tulong ng Japanese authorities at Japan Interpol.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng BI mula sa Japanese Embassy, si Koyama ay mayroong nakabinbin na warrant of arrest sa Japanese court kung saan isinampa ang kasong fraud laban sa kanya.
Sa kasalukuyan si Koyama ay pansamantalang ipinasok sa BI detention facility sa Bicutan habang patuloy ang deliberasyon ng deportation proceeding laban sa kanya ng BI Board of Commissioner. F MORALLOS
Comments are closed.