LAGUNA – BUMAGSAK sa kamay ng mga kagawad ng Santa Cruz PNP at Provincial Highway Patrol Team (PHPT) ang 33- anyos na mister na sangkot sa magkasunod na insidente ng panggagahasa sa kanyang pamangkin makaraang makapagtago ito sa batas sa loob ng mahigit na isang taon sa lungsod ng San Pablo.
Base sa ulat ni PLt. Col. Chitadel Gaoiran, hepe ng pulisya, nakilala ang naarestong suspek na si Rodel Idian, pansamantalang naninirahan sa Bgy. San Joaquin, San Pablo, City.
Sinasabing napapabilang si Idian sa Ranked No. 1 (Provincial Level) dahil sa kinasasangkutan nitong kaso ng Statutory Rape (2 counts) matapos dalawang beses nitong pag-samantalahan ang 11-anyos na pamangkin noong ika-10-12 ng buwan ng Agosto, 2019.
Nagawang makatakas at makapagtago sa batas ang suspek na kung saan hindi inaasahang matunugan ng pulisya na umuwi ito sa Bgy. Santisima sa bayan ng Sta. Cruz nitong magbabagong taon.
Sa pamamagitan ng ikinasang Manhunt Operation ng mga tauhan ni Gaoiran sa pamumuno ni PMSgt. Rex Cabrera, PCpl. Algy Riguer, PCpl. Melvin Belen at mga tauhan ni PHPT Chief PCapt. Charlie Reyes, agarang naaresto ang suspek sa lugar dakong alas-3 ng hapon.
Nabatid sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang “Baby” na sinamantala ng suspek ang panggagahasa sa kanya habang nag-iisa ito sa loob ng kanyang kuwarto bandang alas-11 ng hatinggabi at nagbantang huwag itong magsusumbong sa kanyang mga magulang.
Subalit, napilitan pa rin magsumbong ang biktima dahil sa pananakit ng kanyang buong katawan.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Sta. Cruz PNP Lock Up Cell para harapin nito ang kasong isinampa sa kanya ng pulisya na walang kaukulang piyansang inilaan ang korte. DICK GARAY
Comments are closed.