BULACAN-ISA sa top most wanted person (MWP) sa bansa na nagtatago na ng mahigit 15 taon dahil sa kasong rebelyon ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa ikinasang manhunt operation sa Barangay Mabolo,Malolos City.
Base sa report kay P/Brig.Gen. Matthew P. Baccay, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), nakilala ang naarestong si Maria Salome Crisostomo, 64-anyos, biyuda, national coordinator ng Philippines Against Child Trafficking (PACT) at nakatira sa Lucero St., Barangay Mabolo.
Ang suspek na si Crisostomo ay mayroong standing warrant of arrest dahil sa kasong Rebellion under Criminal Case No.2006-554 na inisyu ni Hon. Judge Virgilio Alfajora, Presiding Judge ng Branch 59 ng Regional Trial Court(RTC) Lucena City na may petsang June 28, 2006 at walang rekomendadong piyansa.
Simula noon ay nagsimula nang magtago ang suspek kaya napabilang sa isa sa Top MWP sa bansa hanggang makatanggap ng impormasyon ang awtoridad na nagtatago ito sa Barangay Mabolo, Malolos City.
Ayon kay P/Col.Manuel M.Lukban Jr., Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, dakong alas-10:45 ng umaga nitong linggo nang magsagawa ng manhunt operation ang pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Unit (RIU) 4A katuwang ang RIU3, Malolos City police, Balagtas Police, Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU),1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), Delta Company 70th IB at 7th ID ng Philiipine Army.
Hindi na nakapalag ang suspek nang makorner sa kanyang hide-out sa Purok 4, Barangay Mabolo,Malolos City at nagwakas na ang pagtatago nito ng mahigit 15 taon habang pinuri naman ni Baccay ang pagkakadakip sa suspek na kabilang sa Top MWP sa bansa. MARIVIC RAGUDOS