MOST WANTED SA TAIWAN TIMBOG SA IMMIGRATION

Commissioner Jaime Morente

NASAKOTE ng mga tauhan ng  Bureau of Immigration (BI) ang numero-uno o most wanted sa Taiwan dahil sa kasong  pagpatay sa isang Canadian teacher  na  pinagtataga ang katawan bago itinapon sa ilog.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ang suspek na si Oren Shlomo Mayer, 37-anyos, at nakakulong sa BI Detention Center sa Bicutan habang pinoproseso ng BI Board of Commissioner ang kanyang deportation order.

Ayon sa pahayag ni Morente, naaresto  si Mayer sa Cainta, Rizal nitong Setyembre  6 ng pinagsanib na  tauhan ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) at ng Philippine National Police, Intelligence Group, National Capital Region.

Agad  na  ipade-deport si Mayer sa lalong madaling panahon upang harapin nito ang kasong pagpatay kay Sanjay Ryan Ramgahanm, 43-anyos, noong Agosto 21, batay na rin sa kahilingan ng gobyernong Amerika at Taiwan.

May naka-pending na warrant of Arrest laban kay  Mayer na may alyas din na  ‘Oz Diamond’, na inisyu ng Taiwan New Taipei District Prosecutors Office  noon  pang Agosto 24.

Batay sa impormasyon galing sa Taiwan Police,  pinatay nina Mayer at ng dalawa niyang kasamahan  ang guro  habang naglalakad kasama ang kanyang alagang aso sa  Riverside Park malapit sa Zhongzheng Bridge sa Taipei.

Bukod sa pagpatay may kinakaharap ding ibang kaso si Mayer dahil isa siya sa sinasabing bigtime drug personality sa kanilang lugar  o  biggest supplier ng marijuana sa Northern Taiwan.

Hinala ng pamunuan ng BI na ang pagpatay sa nasabing Canadian teacher ay may kaugnayan sa alitan sa droga. FROI MORALLOS

Comments are closed.