MOTEL

MASAlamin

MINSAN ay sarili mo nang ari-arian ay ipagkakait pa sa iyo. Ganyan kasaklap ang nararanasan ng mga may-ari ng ilang lupain sa Metro Manila na naiiskwatan. Kung sino ang may-ari ay siya pa ang gagastos ng malaking pera mapaalis lamang ang mga nakikinabang sa property na hindi naman kanila.

Marami tayong natatanggap na ganyang reklamo, ngunit kakaiba naman ang naisumbong sa atin ng isang mambabasa.

Ito naman ay tungkol sa isang matandang nagmamay-ari ng isang gusali sa siyudad ng Quezon. Ang gusali ay pinauupahan niya ng P500,000 kada buwan sa isang motel. Dahil may edad na nga ang may-ari ng nasabing gusali, minabuti niyang ihanap ng buyer ang kanyang property.

Sinuwerte naman ang matanda at nakahanap ng buyer. Ngunit nang sabihin niya ito sa management ng motel, nag-counter offer ang motel at inalok siyang bibilhin nila ang gusali sa parehong halaga.

Ayaw ng matanda na ibenta sa kanila ang gusali, ngunit nagpupumilit ang motel na mabili nila ito at sinabing may karapatan silang tapatan ang alok ng buyer ng matanda para sa nasabing property.

Mula noon, hindi na nagbayad ng upa ang motel sa matanda. La­ging naniningil ang may-ari ng gusali ngunit nagbibingi-bingihan lamang ang management ng motel. Umabot na ng isang taon ang utang ngunit hindi pa rin nagbabayad ng kahit magkano ang motel.

Kahit pa nga kung ano-anong pagde-demand ng may-ari ay nanatiling dedma lamang ang management ng motel.

Nakapagtataka para sa inyong lingkod ang ginagawi ng nasabing motel. Wala namang meeting of the minds at walang deed of sale na maaari nilang panghawakan para sa hindi pagbabayad ng upa sa matanda.

Lumalabas na pang-aabuso na ito at panlalamang sa may-ari ng property, na isang matanda o senior citizen pa naman na dapat sana ay iginagalang at hindi pinahihirapan.

Comments are closed.