VALENZUELA CITY – PATAY ang isang rider habang sugatan ang sakay nito matapos salpukin ng isang rumaragasang van sa lungsod na ito, kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang rider na si Roldan Capillo, 33-anyos, residente ng Area 6, Purok 4, Maysan habang ginagamot naman ang angkas nitong si Rodel Corpin na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence resulting in Homicide and Physical Injury ang driver ng Isuzu Ref Van na may plakang WQB-787 na nakilalang si Christian Idava, 26-anyos, residente ng Sulukan St. Bubulong Malaki San Ildefonso Bulacan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya bandang 1:30 Linggo ng madaling araw, kapwa tinatahak ng Yamaha Sporty (9684-BH) na minamaneho ni Capillo angkas si Corpin at ng van na minamaneho naman ni Adava ang Maysan Road patungong Mc Arthur Highway kung saan nasa kanang lane ang motorsiklo.
Pagdating sa kanto ng M. Antonio St., tinangkang lumiko pakaliwa ng motorsiklo na naging dahilan upang mabangga ito ng van na nagtangka namang mag-overtake.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang motorsiklo at ang mga biktima na agad isinugod ng mga rumespondeng Valenzuela Rescue Team sa naturang pagamutan, subalit hindi na umabot ng buhay ang rider habang dinakip naman ng pulisya si Idava. VICK TANES/EVE GARCIA
Comments are closed.