HINDI pinalad na mabuhay ang isang 23-anyos na Police Officer nang mawalan ng kontrol sa kanyang manibela at bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang gutter sa Port Area, Maynila.
Naisugod pa sa Ospital ng Maynila ang biktimang si John Rudolf Cruz y Matias, binata ng 215 Prk Matias, Talavera, Nueva Ecija subalit namatay habang ginagamot.
Batay sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD), dakong ala-1 kahapon ng madaling araw nang naganap ang insidente kung saan minamaneho ng biktima ang kanyang kulay itim na motorsiklong Yamaha XSR 155 habang binabagtas ang southbound ng Mel Lopez Boulevard sakop ng Port Area subalit pagsapit sa harapan ng LBC, nawalan siya ng kontrol sa kanyang manibela at bumangga sa isang gutter sa Anda Circle.
Dahil sa pangyayari, tumilapon ng ilang metro ang katawan ng Police Officer sa sementong kalsada.
Isinugod ng mga rumespondeng kawani ng Red Cross ang biktima subalit namatay ito dakong alas-2:30 kahapon ng madaling araw. PAUL ROLDAN