MOTOR SUMALPOK SA TRAK, 2 TANOD NADALE

motor

CAGAYAN DE ORO – PATAY ang dalawang barangay tanod nang magpagewang-gewang at sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang pick-up truck sa Barangay Bugo sa lungsod na ito.

Kinilala ng CDO-PNP ang mga biktima na sina Saturnino Taburnal, 60-anyos, at Benjamin Lumani, 62, kapwa tanod sa Barangay Casinglot sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Lumilitaw sa imbestigasyon na kapwa umano nakainom ng alak ang dalawang tanod na posib­le umanong kinabahan na masita sa natanaw na checkpoint dahil  wala silang suot na helmet.

Sa pagmamadali ay nagpagewang-gewang umano ang takbo ng motorsiklo kaya bumangga sa kasalubong na pick-up.

Sa lakas ng banggaan ay wasak ang harapang bahagi ng pick-up truck na minamaneho ng isang Arl Saluaga Rellido, 46-anyos, ng Sta. Ana, Tagoloan sa Misamis Oriental.

Nakapiit ngayon si Rellido at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide. VERLIN RUIZ