MOTOR TAXIS TULOY ANG BIYAHE

SEN BONG GO

PINAWI ni Senador Christopher Bong Go ang pangamba ng motorcycle taxi riders na magkakahulihan na sa susunod na linggo matapos na ipatigil ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) board member Retired Major General Antonio Gardiola, Jr. ang pilot testing at ang pag-aaral sa legalidad ng kanilang pagbiyahe sa lansangan.

Sa kanyang pagharap sa mga miyembro ng Angkas na nagra-rally sa harap ng gate ng Senado, sinabi ni Go na hindi na itutuloy ang paghuli sa kanila sa susunod na linggo tulad ng naunang banta ni Gardiola .

Ani Go, nakausap na niya sina Transportation Sec. Arthur Tugade at LTFRB Chairman Martin Delgra III  sa ginanap na pagdinig ng Senate Commitee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe, kung saan ipinangako ng mga ito na wala nang panghuhuling magaganap at hahahayaan nang magpatuloy ang pilot testing ng mga motorcycle taxi tulad ng Angkas, Joy Ride at Move It hanggang matapos ang paggawa ng batas na maglelegalidad dito.

Naunang sinabi ni Gardiola na simula sa susunod na linggo ay kanila nang ipaaaresto ang mga bibiyaheng motorcycle taxi sa lansangan.

Ayon pa kay Go, kanya pa ring irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatuloy sa operasyon ng mga motorcycle taxi kahit pa nagbigay na ng pagtiyak si Tugade.

Aniya, igigiit niya sa Pangulo ang naibibigay na tulong ng mga motorcycle taxi sa mga mananakay bilang alternatibo at mas mabilis na transportasyon.                VICKY CERVALES

Comments are closed.