QUEZON PROVINCE-DALAWA ang nasawi matapos magsalpukan ang isang Police motorcycle rider at tricycle sa may Maharlika road bahagi ng Bry. Kanlurang Mayao, Lucena City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng Lucena PNP, ang dalawang nasawi na sina Police motorcycle rider na si SSG Rodante Madurog ng Lucena PNP, residente ng Villa Vita Subd. Isabang, Tayabas City at Barangay kagawad na si Amelita Alcala habang sugatan naman ang tricycle driver na si Romeo Reforsado ,kapwa resindente ng Brgy. Talipan bayan ng Pagbilao, Quezon.
Base sa report patungong southbound ang police motorcycle rider habang patungo naman ang tricycle ng northbound Lucena city proper nang mag-overtake ang pulis kasabay nang biglang umanong mag-cross sa kalsada ang tricycle driver kung kaya nagkasalpukan ang dalawang motor.
Matapos mabangga ng pulis ang tricycle ay sumalpok pa ito sa isang kotse kaya’t magkasabay na tumilapon ang driver at pasahero nito na kagawad at maging ang pulis ay humagis din mula sa kanyang big bike.
Dead on the spot ang kagawad habang nagtamo ng mga bali ng buto at sugat si Reforsado samantalang agaw buhay naman si Madurog na nagkadurog-durog ang buto sa balikat, basag ang ulo at buto sa hita.
Nagawa pang madala sa ospital si Madurog subalit binawian na ito ng buhay kasalukuyan namang ginagamot sa Quezon Medical Center ang trike driver na nakaligtas sa aksidente.
Patuloy pa din ang imbestigasyon ng Lucena PNP kung sino ang may pagkakamali na naging dahilan ng malagim na aksidente. BONG RIVERA