COTABATO – AGAD na namatay ang tatlo katao kabilang ang isang menor matapos na bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa punong kahoy sa gilid ng national highway sa Barangay Singkatulan, bayan ng Makilala, North Cotabato kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga biktima na sina Ruel Tolintino Laureta ng Barangay Pulang lupa, Mlang, North Cotabato; Jonathan Soyat Doceo, 17-anyos; at si Garry De Asis, 35-anyos, kapwa nakatira sa Barangay New Janiway, Mlang, North Cotabato.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, binabaybay ng mga biktimang lulan ng motorsiklong minamaneho ni Laureta ang highway patungong bayan ng Mlang nang mag-overtake ito sa sinusundang motorsiklo.
Subalit nang mapansin ni Laureta na may kasalubong na sasakyan ay mabilis na naikabig ang manibela pabalik hanggang sa nawalan ng kontrol saka bumangga sa puno ng Talisay.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya na sinasabing lango sa alak ang drayber ng motorsiklo na pauwi na sana sa bayan ng Mlang nang makasalubong si kamatayan. MHAR BASCO
Comments are closed.