MOTORCADE NG SENIOR CITIZENS PARTY-LIST, TAGUMPAY SA QC

SENIOR CITIZENS PARTY-LIST

MATAGUMPAY na nagdaos ng motorcade ang Senior Citizens Partylist mula sa harapan ng Que­zon City Hall na bumaybay sa Commonwealth Avenue hanggang Quirino Avenue sa Novaliches ng nasabing lungsod.

Halos 500 iba’t ibang sasakyan at 300 motorsiklo ang inalalayan ng mga pulis sa motorcade na pina­ngunahan ni Congressman Francisco Datol Jr. kasama ang iba pang nominee ng Senior Citizen Partlylist na sina Aurora Garcia, Erlinda Ordanes, Rogelio Galman at Jaime Cruz.

“Walang ibang sinusuportahan ang lahat ng senior citizens sa mga kandidato sa Senado kundi si dating Special Assistant to the President Bong Go dahil may tunay na malasakit siya sa lahat ng nakatatanda,” ani Datol. “Kung lubos siyang susuportahan ng botanteng 9.1 milyong senior citizens sa buong bansa at mga pamilya ay baka mag-topnotcher pa siya sa Mayo 13.”

Ipinagmalaki rin ni Datol na sa kanyang pagkilos sa Kongreso ay naging batas ang National Commission of Senior Citizens na panaginip lamang ng lahat ng nakatatanda pero naging reyalidad na ngayon.

“Ito po ang aking pangarap na makatotohanan na ngayon, magkakaroon na tayo ng sariling tahanan, na tayo ang mangangasiwa para sa pangangailangan natin gaya ng pensiyon at lahat ng pangangailangan ng ating sektor” dagdag ni Datol. “Pagyamanin po natin ang ating Commission, ito ang pamana natin sa susunod na henerasyon ng nakatatanda at isunod na natin ang ating ospital at libreng patuluyan sa senior citizens. Kaya nakikiusap po ako sa lahat ng senior citizens sa bansa iboto po natin ang Senior Citizens Partylist na No. 130 po sa inyong balota. Pagkaisahan po nating muling ihalal ang ating partylist para sa ipinakikipaglaban ko sa Kongreso. Mabuhay po tayong lahat ng nakatatanda!”

Comments are closed.