MOTORCYCLE ACADEMY NG MMDA TULOY NA

MATATANDAAN  dati na nag- anunsiyo si Metro Manila Development Authority Chairman Atty. Don Artes sa plano nilang magtaguyod ng isang akademya para sa mga nagmamaneho ng motorsiklo. Ito ay upang magkaroon sila ng wastong kaalaman sa larangan ng batas trapiko, kasama na rito ang pangkalahatang responsibilidad nila sa lipunan.

Sa madaling salita, ito ay pagtuturo ng tinatawag na ‘road safety’ sa mga nagmamaneho ng motorsiklo upang tuluyang maalis ang mga tinatawag na ‘kamote riders’ sa ating lansangan.

Kaya naman kamakailan ay binisita niya ang pinapagawa ng MMDA na Motorcycle Driving Academy sa bakanteng lote na pag- aari ng GSIS sa Julia Vargas, kanto ng Meralco Avenue sa Pasig City.

Ayon kay Chairman Artes, ang nasabing proyekto ay 80% nang kumpleto. “Facilities for the Motorcycle Riding Academy are ready. There are just a few things that need to be fixed and until then, it will be in full swing and open to the public,” ang paliwanag ni Artes.

Ang kinagandahan nito ay maaaring tumanggap ang nasabing akademya ng 100 na participants kada turo. Kumpleto raw ang pasilidad. May clinic, malinis na palikuran at kainan sa mga nais mag-aral dito. Naglagay ang MMDA ng mga tinatawag na container vans na ginamit noong panahon ng pandemya bilang quarantine facility at ginawa na itong silid aralan sa mga nais na mag-aral sa nasabing akademya.

Malinaw kay Artes na ang programang ito ay upang magkaroon ng wastong pagsasanay at kaalaman tulad ng road safety, batas trapiko, wastong kaalaman sa motorsiklo at husay sa pag-iwas sa mga maaaring mapanganib na sitwasyon na magdudulot ng aksidente. Ang nasabing akademya ay tumatanggap ng mga baguhan at may karanasan na sa pagmamaneho ng motorsiklo. Ang mga matagumpay na magtatapos ng nasabing pag-aaral ay bibigyan ng certificate of completion ng MMDA.

Ang maganda rito ay libre ang nasabing pag-aaral at pag-ensayo upang gumaling ang motorista sa pagmamaneho ng motorsiklo. Ang kailangan lamang ay magdala ng sariling helmet at protective gears. Sagot na ng MMDA ang motorsiklo at gasolina nito.

Sang -ayon na rin ang liderato ng National Capital Region (NCR) sa nasabing programa ng MMDA at tutulong silang manghikayat ng kanilang mga constituent na interesado na sumali sa nasabing motorcycle riding academy. At hindi lang ‘yan, nakikipag-ugnayan si Artes sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa posibleng accreditation ng mga matagumpay na nagtapos sa nasabing motorcycle riding course para sa mga ride-hailing ng kompanya tulad ng Joyride, Angkas at Grab na maaaring bigyan ng prayoridad sa trabaho. O di ba?

Noong 2018 Global Status Report on Road Safety ng World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ang ika-11th sa kabuuan ng 175 na bansa na may pinakamaraming ulat na road traffic deaths na may bilang na 10,012. 4.7 porsyento nito ay mga drayber o pasahero ng motorsiklo a kaya ay tricycle.

“Hopefully, we can change the mindset of motorcycle rider-graduates of this academy and make them disciplined motorists,” ang sabi ni Artes.

Ito ang mga kailangan natin sa gobyerno. Serbisyo publiko upang umangat ang antas ng kaalaman sa batas trapiko at nagbibigay oportunidad na makahanap ng trabaho o hanapbuhay. Mabuhay ka Chairman Artes!