SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque City ang konstruksiyon ng protektadong lane para sa mga motorsiklo at bisikleta sa kahabaan ng Dr. A. Santos Avenue na dating Sucat Road sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, nito lamang nakaraang araw ay nagset-up na ng permanent markings ang city engineering team sa nabanggit na kalsada na nagbibigay ng 1.5 metro sa outer lane para sa mga motorsiklo at bisikleta.
“Kinakailangang agad na mailagay na ang mga bike lanes dahil ito na ang ginagamit ng mga tao simula ng pagbawalang bumiyahe sa Dr. A. Santos Avenue ang mga pampublikong transportasyon matapos na isailalim ang Metro Manila sa lockdown noong Marso 2020,” pahayag ni Olivarez.
Nabatid na ang inner lane ng 12-kilometrong haba ng avenue ay ilalaan sa mga pribadong sasakyan habang ang center lane naman ay maaaring gamitin ng mga delivery trucks, vans at mga malalapad at mahahabang sasakyan habang ang outer lane naman na katabi ng bangketa o sidewalk ay pagsasaluhang daanan ng mga motorsiklo at bisikleta na nakatakdang simulan sa buwang ito.
Ang naturang proyekto ay may dalawang yugto kung saan ang unang yugto ay ang asul na markings na nagsisimula sa SM Sucat hanggang sa boundary ng South Superhighways habang ang ikalawang yugto sa northbound patungo sa Airport Road sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hindi na lalagyan pa ng konkreto o plastic barriers ang bike lanes dahil ang kalsada ay mayroon lamang tatlong lanes para hindi na kumipot pa ang daan na makakaapekto sa center lane ng mga trailer at container trucks.
Gayunpaman, pinaalalahanan ni Olivarez ang mga siklista na sumunod sa batas trapiko habang ang mga pribadong sasakyan ay binalaan naman na huwag gamitin ang bike lanes. MARIVIC FENANDEZ
Comments are closed.