MAKATI CITY – NANINDIGAN si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na hindi basta mababalewala ang kaniyang naipasang batas na Motorcycle Crime Prevention Act o Republic Act 11235.
Ito ang paglilinaw ni Senator Richard Gordon, ang principal author ng nasabing batas sa ilalim ng Senate Bill No. 1397 sa naganap na BusinessMirror Coffee Club forum o pulong balitaan na itinaguyod ng ALC Media Group.
Sa nasabing pulong balitaan na pinangunahan nina ALC Group of Companies Chairman D. Edgard A. Cabangon at BusinessMirror Publisher T. Anthony C. Cabangon, idiniin ni Gordon na hindi mauudlot ang nasabing batas na naglalayong pigilan ang pagpaslang sa kalsada sa pamamagitan ng mga hired killer na gumagamit ng motorsiklo.
Sa katunayan, sinabi ni Gordon na sa Lunes, Agosto 5, ay magkakaroon siya ng deliberation hinggil sa nasabing batas na una nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ilang buwan na ang nakalilipas subalit naudlot dahil maraming riders ang pumalag.
Ayon pa kay Gordon, mistulang mahina ang paliwanag ng mga kontra sa batas lalo na ang pagbansag na ‘doble-plaka’ at pagpapalaki ng plate number.
Giit pa ng mambabatas, dapat nang mapigilan agad ang pagpatay ng mga riding-in-tandem criminal at marami nang katunayan sa mga nakalipas na panahon na ang naturang sasakyan ang pinakamabilis na gamit sa pagpatay.
Para sa senador, dapat nang gamitin ang batas para sa kaligtasan ng publiko, negosyante at ng politiko na karaniwang biktima ng mga riding in tandem criminals.
“We really have to do something to stop these killings with impunity. That is why I am calling on the LTO (Land Transportation Office) to craft the IRR (Implementing Rules and Regulations) of RA 11235 as soon as possible so we could immediately implement it. Because this law is meant to obviate crimes perpetrated by criminals using motorcycles as get-away vehicles,” ayon sa isang pahayag sa media ni Gordon. EUNICE C.
Comments are closed.