INIHAYAG ni Joint Task Force COVID Shields commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, sa gitna ng ipinatutupad na intensified security and health safety measures nitong nakalipas na pitong buwan ay nagresulta ng pagbaba ng criminal cases na kinasasangkutan ng Motorcycle-Riding Suspects (MRS).
Ayon kay Eleazar, sa datos ng Philippine National Police (PNP) ay nakapagtala ng 57% reduction sa MRS-related criminal activities sa loob ng 220-day community quarantine period kumpara sa kaparehong panahon bago ang quarantine period na mula sa 1,864 kaso ay bumaba ito sa 784 cases.
Base pa sa PNP data, may 46% reduction sa Eight Focus Crimes sa loob ng 220-day community quarantine period (March 17, 2020 to October 22, 2020) kumpara rin sa kaparehong panahon bago ang community quarantine (August 10, 2019 to March 16, 2020).
Ang Eight Focus Crimes—Murder, Homicide, Physical Injury, Rape, Robbery, Theft, Carnapping of Motorcycles at Carnapping of Motor Vehicles ang nagsisilbing barometro ng peace and order situation sa alinman lugar sa buong bansa.
Sinasabing ang Mindanao ang nakapagtala ng pinakamalaking pagbaba sa MRS-related criminal activities sa loob ng nakalipas na 220 days na may 63% o katumabas ng 515 na bumaba sa 193 cases, kasunod nito ang Visayas na may 60% o mula 485 ay naging 189 cases at Luzon na may 53% reduction mula sa 864 kaso ay bumaba ito sa 402 cases.
Sa Metro Manila, na siyang may pinakamaliit na pagbaba ay nakapagtala ng 45% reduction ng MRS-related criminal activities mula sa dating 291 ay naging 160 na salungat sa mga naglabasang ulat na tumaas muli ang krimen mula ng magluwag ang pinaiiral na community quarantine.
“Napakalaki ng pagbaba sa krimen sa nakalipas na mahigit na pitong buwan kaya siguro nanibago ang ating mga kababayan matapos ang mga report tungkol sa motorcycle-riding criminals,” ani Eleazar.
Kaugnay nito, inatasan na ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año si PNP Chief Police General Cascolan na tugunan ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsanay ng maraming pulis para maging bihasa sa motorcycle-riding.
Sinasabing pangontra rin ito sa mga motorcycle riding in tandem criminals.
Ayon kay Brig. Gen. Alexander Tagum, Director ng Highway Patrol Group (HPG) na mayroon na silang 43 personnel mula sa PNP’s elite Special Action Force (SAF) na sumailalim na sa pagsasanay hinggil sa tactical motorcycle-riding. VERLIN RUIZ
Comments are closed.