MOTORCYCLE TAXI EXPANSION TIGIL NA

ITITIGIL na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang motorcycle taxi expansion o ang pagpapadami pa ng bilang ng mga motorcycle taxi na papasada sa kalsada.

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, head ng Technical Working Group para sa pilot study ng MC Taxi service sa bansa, magsusumite na sila ng rekomendasyon sa Kongreso sa Mayo  hinggil sa resulta ng itinakbo ng MC Taxi service pilot study.

Aniya, susundin na lamang  ng LTFRB ang anumang desisyon ng Kongreso hinggil sa magiging kalagayan ng MC Taxi service sa bansa.

Una nang nilinaw ni Guadiz na ang MC Taxi ay tugon sa problema ng pagkalat ng mga habal habal na motorsiklo na nagsasakay ng pasahero nang walang permiso mula sa LTFRB.

Mas lehitimo, aniya, ang MC Taxi service dahil ‘trained’ ang mga driver at mayroon ding insurance ang mga pasahero nito.

Sa kasalukuyan ay may 51,000 slots ng MC Taxi sa Metro Manila.

Una rito ay nagsagawa ng media forum ang Public Transport Coalition sa QC upang ipanawagan sa LTFRB at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil na ang MC Taxi expansion.

PAULA ANTOLIN