BATAAN- TULUYAN nang walang nagisnang umaga tatlong kababaihan matapos na salpukin ng isang trailer truck ang kanilang bahay sa Purok 5, Barangay Bangal, Dinalupihan sa lalawigang ito.
Dead on the spot ang mga biktima matapos na araruhin ng truck ang isang motorsiklo bago nagtuloy tuloy sa isang bahay kung saan natutulog ang dalawa biktima .
Sa ulat ng Dinalupihan Municipal Police Office ay kinilala ang nasawing motorcycle rider na si Eunice Ann Gonzales, 26-anyos ng Olongapo City gayundin ang dalawang nasa loob ngbahay sina Glenda Agustin, 50-anyos at Roxanne Agustin, 28-anyos, residente ng Purok 5.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon na nawalan umano ng preno ang trak na minamaneho ni Billy Jo Villoria, 23-anyos kaya nasalpok nito ang motorsiklo na minamaneho ni Gonzales.
Kasunod nito ay nagtuloy tuloy pa ang trak sa bahay kung saan natutulog ang pamilya Agustin na pawang nagtamo ng matinding pinsala sa katawan na naging sanhi ng kanilang dagliang kamatayan.
Target ng manhunt operation ang drayber ng trak na agad na tumakas habang nasa kustodiya na ng Dinalupihan police ang helper nito.
VERLIN RUIZ