PATAY ang isang rider habang malubha naman nasugatan ang isa pa matapos magsalpukan ang kanilang minamanehong motorsiklo kamakalawa sa Caloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Bernardino General Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Jet Helina, 24-anyos ng B10 L10, Manga St. Amparo. Brgy. 179 ng lungsod.
Kasalukuyan namang nakaratay habang ginagamot sa Philippine Orthopedic si John Michael Villanueva, 20, ng Bayabas St. Amparo Subd., Brgy. 179.
Sa imbestigasyon ni PCpl Dennis Michael Natividad, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi habang minamaneho ni Helina ang isang Euro motorcycle samantalang minamaneho din ni Villanueva ang isang Honda Click na kapwa tinatahak ang kahabaan ng Malantik St. sa magkabilang direksiyon.
Pagsapit malapit sa kanto ng Ipil St. Amparo, Brgy. 179, nagsalpukan ang harapang bahagi ng dalawang motorsiklo na naging dahilan upang kapwa magtamo ng mga pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawang rider dahil sa lakas ng banggaan. VICK TANES
Comments are closed.