MOTORSIKLO SUMALPOK SA AMBULANSIYA: 2 PATAY, 2 SUGATAN

QUEZON-DALAWA ang patay habang dalawa naman ang malubhang nasugatan sa salpukan ng ambulansiya at motorsiklo sa Sitio Yuyuan, Brgy. Camflora, San Andres sa lalawigang ito nitong Sabado ng umaga.

Base sa ulat ni Police Investigator MSg Ireneo Luza, officer-on-case, nakilala ang mag-asawang nasawi na lulan ng motorsiklo na Honda XRM na sina Felix Comedian Duaso,49- anyos at Thelma Argawadi Duaso, 48-anyos.

Sugatan na ang anak ng mag-asawa na sina Ferdie Argawadi Duaso, 18-anyos at apong si Mark James A Duaso, 6-anyos na pawang mga residente ng Brgy.Ilaya, Poblacion, San Andres, Quezon.

Sa imbestigasyon ng pulisya dakong alas-9:30 ng umaga habang sakay ng motorsiklo ang apat biktima at binabagtas ang paahong daan ng feeder road papasok sa national highway nang biglang sumalpok sila sa isang ambulansya na pagmamay-ari ng San Andres Local Government Unit (may plakang SAB 6374) sa may bahagi ng intersection.

Dahil sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang driver ng motorsiklo at ang kanyang mga back ride ay nahulog sa sementadong kalsada na nagtamo ng matitinding sugat, habang ang ambulansiya ay direktang tumama at nahulog sa kanal ng kalsada.

Kaagad na isinugod ang mga biktima sa Rural Health Unit subalit inilipat din sa Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City.

Sa panayam kay MSg Luza, ipinarating ng kapatid ni Felix na kapwa binawian ang mag-asawa habang nasa ambulance patungo ng Quezon Medical Center at patuloy naman na ginagamot ang dalawa pang biktima samantalang ang driver ng ambulance na si Ricardo Lihay Lihay, 43- anyos at residente ng Brgy. Camflora San Andres Quezon ay nasa kustodiya na ng San Andres Municipal Police Station.
BONG RIVERA