PASAY CITY – ISA ang patay samantalang sugatan naman ang angkas nito makaraang banggain ng isang closed van ang motorsiko na sinasakyan ng mga biktima kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng pinsalang tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si Alquin Mata Alcantara, 37, habang ang angkas naman nitong si Jay Veronia Fontillar, 37, ay isinugod din sa nabanggit na ospital upang malapatan ng lunas ang mga sugat na kanyang tinamo dahil sa naturang aksidente.
Agad namang sumuko ang driver ng Isuzu aluminum closed van na may plakang CAK-3344 na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya na si Gerlad Juarez Repuya, 20.
Base sa ulat ng Pasay City Traffic Bureau na natanggap ng hepe ng Pasay City police na si Police Colonel Bernard Yang, nangyari ang insidente alas-2:20 kahapon ng madaling araw sa panulukan ng NAIA Road at Pascor Drive, Pasay City.
Napag-alaman sa report na binabaybay ni Alcantara lulan ng kanyang minamanehong Suzuki motorcycle na may plakang 2180-NH habang angkas si Fontillar at pagdating sa kanto ng NAIA Road at Pascor Drive ay bigla na lamang sumulpot ang van na minamaneho naman ni Repuya na siyang sumalpok sa motorsiklo.
Sa lakas ng impact sa pagkakabangga ng van sa motorsiklo ay tumilapon ang dalawang biktima na naging dahilan ng pagkamatay ni Alcantara.
Si Repuya ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sa Pasay City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.