MOTORSIKLO VS KOTSE: 1 PATAY

patay

QUEZON-DEAD on arrival sa pagamutan ang isang food server matapos banggain ang motorsiklo nito ng rumaragasang kotse sa may Diversion Road bahagi ng Purok Baybayin, Brgy.Ibabang Dupay, Lucena City.

Kinilala ang nasawi na si Brich Guillermo, empleyado ng Gerry’s Grill Restaurant at residente ng naturang siyudad.

Samantalang ang naarestong suspek ay nakilalang si Ian Paul Santos, 33-@anyos, mekaniko at residente ng Brgy. Progreso, Gumaca, Quezon.

Base sa report ni P/Lt. Col. Romulo Albacea, hepe ng Lucena PNP, dakong ala-1 ng madaling araw, binabagtas ng suspek ang kahabaan ng diversion road patungo ng bayan ng Sariaya, Quezon nang bigla nitong mabangga ang likurang bahagi ng motorsiklo ni Guillermo.

Kinaladkad ng kotse ang motorsiklo kasama ang biktima ng halos nasa 30 metro ang layo, nagmistulang niyupit na lata ang motorsiklo at nagtamo naman ang biktima ng mga major injury sa mga braso,hita at katawan na naging sanhi ng kamatayan nito.

Kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Facility si Santos at sinampahan na ito ng mga kasong RIR in Homicide and Damage to Property. BONG RIVERA

Comments are closed.