PATAY ang isang fitness ambassador nang araruhin ng killer truck ang minamaneho nitong motorsiklo kabilang ang pito pang sasakyan kamakalawa ng gabi sa Ortigas Ave., Brgy. Ugong, Pasig City.
Kinilala ng pulisya ang nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Jhames Morga y Reyes, 29-anyos, may-asawa Fitness at nakatira sa Unit 20-A Victoria Station, Quezon City habang sugatan naman ang isa pang driver ng motorsiklo na si Jonathan Joquin, 31-anyos, grab driver at residente sa lungsod ng Pasig.
Arestado naman ang suspek na si Francis Figueroa y Auguis, 42-anyos, truck driver ng Isuzu tractor na may plakang WTD-477 at nakatira sa Road 10, Sitio Puting Bato, Navotas City.
Ayon kay Traffic Enforcer 3 John Joshua ng MMDA, dakong alas-8:16 kamakalawa ng gabi nang mawalan ng preno ang truck na minamaneho ng suspek at inararo nito ang motorsiklo ng biktima at damayan pa ang pitong sasakyan na nakahinto dahil sa stop light sa may E. Rodriguez Avenue (C-5 road) kanto ng Ortigas Avenue, Brgy., Ugong.
Sa lakas ng pagkakabangga, sira ang mga sasakyan dahil sa pananalasa ng truck.
Agad namang isinugod ng mga sumaklolo sa Medical City si Morga ngunit idineklara itong wala nang buhay dakong alas-9:45 ng gabi .
Kasong Homicide at physical injuries at damage to property ang kinakaharap ng driver ng truck. ELMA MORALES