MOU SA PNP, DOLE, LGUs AT POGO OPERATORS SINELYUHAN

CAVITE – SINELYUHAN sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) ng mga kinatawan ng Cavite PNP, Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Department of Labor and Employment-Cavite at ng Local Goverment Units ng Bacoor, Carmona at Kawit upang tutukan at tugunan ang mga insidente at krimen na may kinalaman sa mga POGO operations sa nasabing lalawigan.

Sa pahayag ni PNP Deputy Regional Director for Operation 4A Col Edwin Quilates, ang MOU ay inisyatibo ni Regional. Director BrigGen Jose Nartatez Jr bilang hakbang para mali­mitahan at tuluyang sawatain ang mga krimen na nangyayari sa mga POGO site sa CALABARZON.

Nakasaad sa MOU na lahat ng mga sektor ay may role na gagampanan para matiyak ang seguridad sa POGO sites, mga emple­yado nito at mga mamamayan sa lugar kung saan may POGO operations.

Kabilang sa lumagda sa MOU signing ay ang mga kinatawan ng POGO operators ng Sky Dragon Global sa bayan ng Carmona; Philsync Technologies Company LTD. at ang Brickharts Technology Inc. ng Bacoor City.

Nabatid kay Cavite Police Director Col Christopher Olazo, nasa 8,000 rehistradong kawani ng POGO sa bayan ng Kawit na sinasabing may pinakamaraming POGO operators kung saan hindi naman nakarating ang represen­tante ng mga ito na kasaluku­yang nasa labas ng bansa.

Magugunita na may naglabasang video ng karahasan sa social media kaugnay sa mga foreign national na umano’y sangkot sa mga POGO related activity sa bayan ng Kawit subalit ni­linaw din ng Kawit Municipal Police Station na hindi ito naganap sa kanilang area of responsibility.

Inaasahang ng kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan sa Cavite na malaking tulong ang naganap na MOU signing dahil matutuldukan na ang mga krimeng tulad ng kidnapping, rape at robbery sa POGO sites.
MHAR BASCO