MP NATION NI PACMAN LUMIPAT NA KAY ISKO!

MGA bagong batas at tuntunin para sa seguridad ng pamilya at matatag na trabaho ang ipinangako ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nang makipagpulong sa mga manggagawa at opisyal ng Pampanga’s Best Inc. sa Pampanga.  
 
Bantog sa bansa ang multi-milyong kompanya ng processed meat sa Barangay Dela Paz Norte, San Fernando City na may 1,300 manggagawa.  
 
Itinulad ni Yorme Isko, kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko, ang nararanasang pinsala ng pandemya sa naranasang kalamidad ng Pampanga at ng buong bansa nang magsabog ng lava at lahar ang Mt. Pinatubo noong 1991.  
 
Dahil sa pandemya, namamalagi ang pangamba sa buhay at kabuhayan ng bawat Pilipino, sabi ni Isko.  
 
Kalakip dito ang takot na mawalan ng trabaho dahil sa pagsasara at pagkalugi ng mga negosyo, kasunod ang walang pigil na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kasunod ng linggo-linggong pagsirit ng presyo ng krudo at langis sa buong mundo.  
 
Aniya, wala sa kontrol niya ang pagtaas ng presyo ng langis sa mundo, pero may magagawa siya kung siya ang pangulo.  
 
“Hindi kuwentong barbero lang ito. Sinabi ko, ipagpaparaya ko ‘yung gobyerno kapalit ng maging kapakinabangan ng tao. I will cut by 50 percent of taxes ng langis at ng koryente,” pangako ni Yorme Isko sa mga kaharap na manggagawa ng Pampanga’s Best.  
 
Kung makatitipid sa koryente at langis, gagaang ang buhay ng karaniwang manggagawa at maging ang medyo angat sa buhay.  
 
Maiiwasan din ang pagbabawas ng trabaho at pagsasara ng mga pabrika at kompanya kung malaki ang matitipid sa gastos sa langis at koryente, paliwanag pa ni Yorme Isko.  
 
“Ang mahalaga ngayon ay negosyo, negosyo, negosyo dahil nakapagbibigay ito ng trababo, trabaho, trabaho,” giit ng kandidato ng Aksyon Demokratiko.  
 
‘Pag may trabaho, may kakainin ang pamilya, makatatawid ang pamilya sa pandemya, aniya.  
 
Sa ngayon, paliwanag ni Isko, ang hinahabol niya ay mairaos ang buhay ng bawat mahirap na pamilyang Pilipino.  
 
Makakatawid tayo sa pandemya. … ang hinahabol ko, mairaos ko kayo, maitawid ko kayo at huwag nang bumalik ‘yung panahon na pumutok ang Pinatubo na namamalimos ang mga tao sa highway dahil walang trabaho,” sabi ni Yorme Isko.  
 
Dugtong niya, kung walang hanapbuhay, walang makain, bumababa at lumiliit ang dignidad ng tao.  
 
“At ang ganyang pangyayari ang iniiwasan ko, ‘yan ang ayaw kong mangyari ngayon na umiiral ang pandemya,” wika ni Isko.  
 
Dugtong pa niya, nagawa niyang mapagaang ang buhay ng Manilenyo sa ipinatutupad niyang “malikhaing paggastos ng pera ng bayan.”  
 
Sa Maynila, isinalya ko ‘yung 10 years na additional kita sa Mandanas ruling para sa build, build, build, build more housing, more hospitals, more modern public schools and many others that provided more jobs during the pandemic. Umikot ang komersyo, maraming nagkatrabaho,” paliwanag ng alkalde ng Maynila.  
 
Nagkaloob din siya ng general tax amnesty para maiwasan ang pagsasara ng mga negosyo at mabuksan ang nagsarang kompanya.  
 
Gayundin ang gagawin niya kung siya ang mananalong pangulo sa eleksiyon sa Mayo 2022.  
 
We will adopt the same creative financial engineering na ginawa namin sa Maynila.” sabi niya.  
 
Dagdag ni Yorme Isko, bibigyan niya ng bagong direksiyon ang local government units (LGUs) tulad ng ginawa niya sa Maynila.  
 
“‘Yung mga LGU ay ia-adopt ‘yung ekstrang pera na galing sa Mandanas ruling para ipautang sa mga MSMEs na nasa ating local government nang sa gayon may negosyo, may trabaho, murang koryente, murang tubig, murang pangunahing bilihin, murang krudo,” paliawanag ni Yorme Isko.   
 
“…Nangyari sa Maynila, puwedeng mangyari sa buong bansa,” sabi ni Isko, at gagawin niya ito, kung siya na ang Pangulo sa 2022. 
***
Mas naniniwala ang MP Nation sa talino, kakayahan at katapatan ni Yorme Isko kaya siya at hindi na si Sen. Manny ‘Pacman’ Pacquiao ang susuportahan nila para manalong pangulo sa Mayo 2022. 
 
Ang desisyong iwanan si Pacman at kampihan si Isko ay isang ‘collegial decision’, paliwanag ni MP Nation Lead Convenor Col. Dani Enriquez. 
 
“MP Nation is now IM4P or Isko Moreno For President Movement,” sabi ni Enriquez.   
 
Mas bilib ang MP Nation, sabi ni Enriquez, kay Moreno dahil sa naipakita nitong blue print kung paano malulutas ang mga problemang hinaharap ng bansa at mga kongkretong plano upang maibalik ang sigla ng ekonomya na labis na pininsala ng pandemyang COVID-19. 
 
Nananatili ang pagmamahal ng MP Nation kay Pacquiao, paliwanag pa ni Enriquez, at pinasasalamatan ang senador sa maraming mabubuting ginawa nito sa bansa. 
 
Kung maaari lamang, inaasam ni Enriquez, ay magkasama sa isang tiket sina Isko at Pacman dahil kapwa matapat sila sa nais na mapabuti ang kalagayan ng buhay at kabuhayan ng lahat ng mamamayang Pilipino. 
 
“… But we must admit that the infighting of PDP-Laban, has caused much damage and backlog to Senator Manny’s campaign,” sabi ni Enriquez sa desisyong iwanan si Pacman at kumampi kay Yorme. 
 
Binubuo ang MP Nation ng isang hukbo ng boluntaryo at tagasunod sa  78 probinsya, 120 lungsod,  1,109 munisipalidad at mahigit 35,000 barangay. 
 
Kasama sa hukbong ito ay mga dating opisyal, sundalo at tauhan ng PNP at AFP,  senior citizen, kabataang relihiyoso, mga taong gobyerno,  overseas Filipino workers (OFWs) , nasa serbisyo sa transportasyon, health front liners, LGBTQ+,  at  mula sa pangkat ng obrero, guro, mangingisda at iba pang sektor. 
 
Tara na, sama na kayo sa Isang Bangka, Isang Bansa! 
 
Pilipinas, God First! 
*** 
Para sa inyong mga suhestiyon, reaksiyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].