BACOOR CITY – SUMANDAL ang third-ranked Basilan-Jumbo Plastic sa maiinit na kamay ni Allyn Bulanadi upang sibakin ang second seed Gab Banalless Bacoor, 84-76, at umabante sa 2020 Chooks-to-Go MPBL Lakan South Division Finals noong Sabado ng gabi sa Strike Gymnasium dito.
Nagpasabog si Bulanadi, isang national team pool member, ng 35 points, kabilang ang anim na triples, 7 rebounds, 3 assists, at isang steal.
Tangan ang isang puntos na kalamangan, 66-65, naisalpak ni Jhapz Bautista ng Steel ang isang tres, subalit sumagot si Melencio ng kanyang sariling tres, 69-68.
Kasunod nito ay naipasok ni Bobby Balucanag ang isang layup bago bumanat si Melencio ng isa pang three-pointer upang itabla ang talaan sa 71-all, may 2:49 ang nalalabi.
Subalit may ibang plano si Bulanadi kung saan kumana siya ng tatlong tres – mula sa left corner, sa top of the arc at isang ff the screen one-legged leaning shot – upang itarak ang 80-71 bentahe, may 1:31 sa orasan.
“Allyn hit the biggest shots of the game that pulled us to the victory… that is why he is in the Gilas program,” wika ni Basilan coach Jerson Cabiltes.
Tinangka nina Michael Mabulac at Mark Pangilinan na humabol sa pag-iskor ng limang sunod na puntos bago tuluyang sinelyuhan ni Jay Collado ng Basilan ang panalo sa pamamagitan ng apat na freebies.
Tumipa si Collado ng 18 points at 15 rebounds habang nagdagdag si Bautista ng 13 markers.
Nanguna si Melencio para sa Bacoor na may 22 points sa 7-of-14 clip, 5 rebounds at 4 assists.
Makakasagupa ng Steel ang South kings Davao Occidental-Cocolife sa best-of-three division finals.
Iskor:
Basilan-Jumbo Plastic (84) – Bulanadi 35, Collado 18, Bautista 13, Manalang 4, Dumapig 4, Balucanag 4, Gabo 2, Palencia 2, Uyloan 2, Hallare 0, Bringas 0, Daa 0.
Bacoor (76) – Melencio 22, Pangilinan 11, Mabulac 10, Montuano 8, Acuña 7, Cañete 5, Castro 4, Aquino 3, Demusis 2, Ramirez 2, Sumalinog 2, Destacamento.
QS: 19-22, 41-35, 60-56, 84-76.
Comments are closed.